Home Headlines Kakaunti ang tao sa huling araw ng pagdalaw sa sementeryo

Kakaunti ang tao sa huling araw ng pagdalaw sa sementeryo

1563
0
SHARE

Ang mangilan-ngilang nakabantay sa mga puntod ng mga mahal sa buhay sa memorial park. Kuha ni Ernie Esconde



LUNGSOD
NG BALANGA — Nitong Miyerkules na ang huling araw na itinakda ng mga local government unit sa Bataan bilang huling araw ng pagdalaw sa mga sementeryo ngunit kapuna-puna na kakaunti pa rin ang mga tao sa mga libingan.

Sa Eternal Shrine Memorial Park sa lungsod na ito, pinakamalaking libingan sa Bataan, mangilan-ngilan lamang ang mga taong nagbabantay sa mga puntod at iilan na lamang din ang nag-alay ng bulaklak at nagtirik ng kandila.

Sa ibabaw ng maraming puntod ay may mga bulaklak na ngunit ang mga ito ay dinala doon sa pagitan ng ika-15 hanggang ika-28 ng Oktubre, mga araw na itinakda na pwedeng dumalaw sa mga sementeryo sa 11 bayan at isang lungsod ng lalawigan.

Sa hindi malamang dahilan, may mga puntod pa rin sa memorial park na walang bulaklak ni kandila.

Ito rin ang kalagayan sa Iglesia Filipina Independiente o IFI Cemetery sa Samal na halos iilan lamang sa mga nitso ang may bulaklak at sinindihang kandila gayong iilang oras na lamang at bawal na ang pagdalaw.

Sa memorial park sa Balanga, ang pagdalaw ay hanggang alas-4 lamang ng hapon samantalang sa mga sementeryo sa Samal ay hanggang alas-5 ng hapon ngayong Miyerkules.

Sarado ang lahat ng libingan mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika4 ng Nobyembre bilang pangangalaga laban sa coronavirus disease.

Si Nenita Ramos, 78, ay isa sa ilang nagbabantay sa mga puntod sa Eternal Shrine na nagsasabing binabantayan niya ang puntod ng kanyang lola, asawa, tiyuhin at iba pang kamag-anak.

Sa tanong kung ano ang masasabi niya sa pagbabawal sa pagpunta sa sementeryo sa mismong araw ng Undas, sagot ni Ramos: “Maganda naman dahil mas safe kami. Noon kasi madaming tao, hindi kami safe dahil nga sa pandemic na iyan. Kaya natutuwa ako sa ganitong pagkaka-iskedyul kung papano pupunta sa sementeryo.”

Alas-9:30 pa lamang ng umaga, aniya, ay nasa memorial park na sila at pamaya-maya lamang ay uuwi na sila para ang ibang kamag-anak naman ang makadalaw.

Si Roel Perez naman ay kasalukuyang nag-aayos pa ng puntod ng namayapang kaanak at nag-alay ng bulaklak at nagtirik ng kandila.

“Okay lang naman kasi nakadalaw na kami kahit hindi naman sa mismong kaarawan talaga dahil sa panahon ng pandemic.  Siyempre, ang government iniisip ang mga tao sa health para hindi mahawa, ani Perez.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here