Kabilang sa mga gintong adhikain
Ni Oca ay isa ang mapanatiling
Buhay sa’ting puso, isip at damdamin
Ang mga nabuwal sa gitna ng dilim
At nangabilanggo nang dahil sa labis
Na pagmamahal sa bayang iniibig,
Sukdang talikdan ang lahat na ng tamis
Mabuhay ng walang pangamba sa isip
Gaya ni Rizal at Andres Bonifacio
At iba pang bayani ring Pilipino
Na di lang sariling buhay nila mismo
Ang nanganib para lang lumaya tayo
At makahulagpos sa kamay na bakal
Ng mapang-aliping sa atin sumakal
Nang daang taon at pati angking dangal
Ng dakilang lipi ay nilapastangan.
Ganun din ang mga nagbuwis ng buhay
Sa kamay ng lilo’t ganid na dayuhan,
Nang si Yamashita ang dito ay nanahan
Ay isang Jose rin ang ipinapatay.
Ng dahil sa di niya pagsunod sa atas
At sa bandila n’yan siya ay yumakap,
Kamatayan ang naging hatol at sukat
Kay ‘chief justice’ Abad Santos ng mga Jap.
Kaya nang dahil sa naging kontribusyon
Nitong bayani ng dalawang panahon,
Sina Bonifacio’t magkapatid na Don
Jose at Pedro ay makikita ngayon
Sa pamamagitan ng rebulto nila,
Kung saan pati na sina Nicolasa
Tiburcio, Ninoy at Jose ng Calamba
Ay sa Heroes Park na ngayon makikita.
Sa harapan mismo ng city’s Heroes Hall
Sa parting kanluran ng lumang city hall,
Kung saan nakalagak din naman doon
Ang labi ng ibang bayani ng rehiyon.
At ang ‘marker’ para sa kabalen natin
Na ang dugo’t pawis ay pinuhunan din
Sa Bataan laban sa pang-aalipin
Ng mga Hapones ay makikita rin;
Na siyang magigisnan ng mga susunod
Na saling-lipi na ngayo’y hinuhubog
Ni mayor Oca ng maunlad na lungsod
Nitong San Fernando sa pagpaimbulog.
At maitanim sa puso’t kaisipan
Ng mga kabalen itong kagandahan
Ng adhikain niya para pamarisan
Sa araw ng bukas ang gaya ni Rizal
Nina Hilario at itong magkapatid
Na Jose at Pedro , Nicolasa Dayrit
At nitong huli ay si Ninoy na nagbuwis
Ng buhay upang ang laya ay makamit
Sa kamay ng diktaduryang pamahalaan,
Kung saan si Oca’y kasama rin namang
Nag-‘under ground’ para mabawing lubusan
Kay Marcos – ang demokrasyang pinapatay.
Kung kaya marahil naging bukod tangi
Si Oca pagdating sa mga bayani,
At sa ibang dangal din ng ating lipi
Na maihahambing sa ginto ang uri.
At kung saan din naman kamakailan lang
Ay inalayan ni Mayor ng parangal
Ang naging Alkalde Vivencio Cuyugan,
Sa nai-ambag niyang kadakilaan!