Kakaibang kasaysayan na naitala sa Malolos

    790
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Duyan ng unang demokratikong republika sa Asya.

    Ito ang mga katagang karaniwang ginagamit bilang paglalarawan sa lungsod na ito na may lawak na 77.25 kilometro kuwadrado, tahanan ng mahigit 220,000 katao, na mula 1900 ay itinalagang kabisera ng lalawigan ng Bulacan.

    Tunay na makasaysayan ang Malolos mula ng italaga ito ng mga paring Agustino bilang makabagong pamayanan nong 1580 hanggang sa maging ganap na bayan noong 1673 at maging isang ganap na lungsod noong 2002 matapos ang plebisito para sa kumbersiyon nito noong 1999.

    Ang salitang “Malolos” ay sinasabing nagmula sa katagang “luslos” na ang ibig sabihin ay ilog na dumadaloy pababa patungo sa karagatan.

    Ito ay naging tahanan ng magigiting na Bulakenyo tulad ng rebolusyunaryong si Heneral Isidoro Torres, at ang 20 kababaihan na sumulat sa Kastilang Gobernador Heneral ng bansa para magtayo ng paaralan sa kababaihan.

    Noong Setyembre 1899, ang Malolos ang naging kabisera ng bansa matapos na lumipat dito si Heneral Emilio Aguinaldo at buksan ang Kongreso ng Malolos sa Simbahan ng Barasoain.

    Ang nasabing Kongreso ang nagratipika sa kalayaang ipinahayag ni Aguinaldo sa Kawit Cavite nong Hunyo 12, 1898, at siya ring nagluwal sa unang demokratikong republika sa Asya noong Enero 23, 1899.

    Noong 1998 o ika-100 taon ng kalayaan ng Pilipinas, ang Simbahan ng Barasoain ay muling nalantad sa kasaysayan dahil sa loob nito nanumpa ang noo’y halal na Pangulo ng Pilipinas na si Joseph Estrada, na noong 2001 ay natanggal sa pagka-Pangulo, kinasuhan, ikinulong, nahatulan ngunit noong 2007 ay pinalaya o ginawaran ng executive clemency ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

    Noon ding 1998 ay inakda ng noo’y kinatawan ng unang distrito ng Bulacan na si Wilhelmino Alvarado ang kumbersiyon ng Malolos upang ito ay maging isang lungsod.

    Isinagawa ang isang plebisito para maging lungsod ang Malolos noong Disyembre 1999 ngunit natalo.

    Hindi sumuko ang noo’y alkalde ng Malolos na si Restituto Roque na nagsampa ng isang election protest upang muling bilangin ang mga balota.

    Noong Oktubre 8, 2002 ay pormal na iprinoklama ang Malolos bilang isang lungsod matapos manalo sa election protest.

    Lumipas pa ang halos anim na taon, inakda naman ni Kint. Marivic Alvarado ang panukalang batas para sa paglikha ng Lone Congressional District ng Malolos na pinagtibay ng Kongreso noong Abril 29, 2008 at ng Senado noong Pebrero 16, 2009, at naging ganap na batas nitong Mayo 1 kahit hindi nalagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

    Si Kint. Marivic Alvarado ay ang may bahay ni dating Kint. Wilhelmino Alvarado na ngayon ay Bise Gobernador ng Bulacan.

    Katulad ni Domingo, umaasa ang bise gobernador na higit na kaunlaran para sa lungsod na ito at kabuuan ng unang distrito na binubuo ng mga bayan ng Bulakan, Paombong, Hagonoy, Calumpit at Pulilan ang pagkakalikha ng lone district.

    “It’s the secret behind the progress of the province of Cebu and others of the same status because more funds will flow to the local economy of both mother and new districts due to the initiatives of the congressmen,” ani Bise Gob. Alvarado.

    Inayunan naman ito ni Isagani Giron ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) ngunit nagbigay siya ng paalala.

    “Makakatulong siguro kung gagamitin ang CDF ng congressman sa pamayanan at hindi ibubulsa. Gayundin sa first district dahil mababawas ang Malolos sa hatian,” ani Giron.

    Ayon sa mga kongresista, ang bawat isa sa kanila ay pinagkakalooban ng CDF o Countryside Development Fund ng Malakanyang na nagkakahalaga ng P70-Milyon bawat taon. 

    Ang CDF ay tinatawag ding “pork barrel” na karaniwang ginugugol para sa mga proyektong pangkaunlaran ng mga bayang nasasakop ng isang distrito.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here