Kakaibang birthday treat ni Diether Ocampo

    532
    0
    SHARE
    Mahigit isang libong bata ang pinasaya ng KIDS Foundation ni Diether Ocampo sa kanyang outreach program na isinagawa sa Bacolor, Pampanga last Saturday, July 24, bilang birthday treat niya sa mga batang kapuspalad.

    Namigay si Diet ng school supplies coming from Star Paper, backpacks from Pizza Hut, at mga pagkain. Si Diet mismo ang personal na namahala ng distribution na taun-taon niyang ginagawa tuwing sasapit ang kanyang kaarawan. Nakasama rin kami last year sa kanyang outreach program na ginanap naman sa Bulaon, Pampanga.

    Bilang Kapampangan himself, malapit kay Diet ang mga Pampagueño kaya naman ito ang madalas niyang tulungan pero marami rin siyang proyekto sa ibang lugar at hindi tumitigil sa pamimigay ng tulong.

    “Lagi ko lang inaasam na sana makagawa pa rin ako ng magagandang  proyekto para naman makabawi naman ako du’n sa mga naitulong sa akin ng mga kasamahan ko sa industriya, ’di ba?

    “At siyempre, para mapasaya pa rin natin ang mga kababayan natin. Na-realize ko kasi lately nung umikot kami sa ibang bansa dahil dinala kami ng TFC, we were able to meet a lot of Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa, imadyinin n’yo, ang layo ng pinagtatrabahuhan nila pero dahil sa mga napapanood nilang mga palabas natin, mga teleserye, mga pelikula, lalo na kapag na-meet mo sila personally, parang gumagaan ang pakiramdam nila dahil siyempre, malayo sila sa pamilya nila,” pahayag ni Diet nang makausap namin pagkatapos mananghalian ng buong grupo sa city hall ng Bacolor.

    Kapansin-pansin na hindi nakasama kay Diet ang girlfriend na si Rima Ostwani at nang tanungin ang aktor, aniya ay sa ibang proyekto ay kasama niya ito.

    “Makakasama natin sila, kasi sobrang dami ng proyekto ng KIDS Foundation, at hindi ko naman kaya itong mag-isa, kaya lahat sila sa KIDS Foundation ay nakakasama ko, hindi lang si Rima.”

    Natanong si Diet kung ano ang reaksyon niya sa napapabalitang kasalan nina Kristine Hermosa at Oyo Sotto next year. “Siyempre, masaya naman ako para sa kanila. Sino ba naman ako para hadlangan ’yun, ’di ba? Alam ko naman na magiging maganda ang pagsasama nila. Andito lang naman ang mga tao sa paligid natin para mag-wish din sa kanila ng magaganda, ’di ba?

    “Marami na ang nangyari, tapos na. It’s a new chapter,” pahayag ni Diet.

    Natanong si Diet kung sakali bang maimbitahan siya sa kasal nina Oyo at Kristine ay dadalo ba siya.

    “Medyo busy ang schedule natin,” nangingiting sabi ni Diet pero binawi rin afterwards. “Hindi, hindi naman. Siyempre, ayaw naman nating pangunahan ’yan, ako, I’d rather na dito na lang, ayaw naman nating makagulo. Hayaan na natin. Kumbaga, maging masaya na lang tayo para sa kanila.”

    Siya naman, kelan naman ang balak niyang pakasal ulit?

    “Para namang minamadali n’yo ako,” say niyang natatawa. “Ako naman, eh, madali namang pasukin ’yan, pero gaya ng sinabi ko, sa rami ng responsibilidad ko, bilang isa sa mga nagtaguyod ng KIDS Foundation, parang ang dami ko pang gagawin. ’Yun naman eh, pinaplano nang maige. Pero definitely, we’ll let you know ’pag ano.”

    Reregaluhan ba niya si Kristine sa wedding?

    Natawa muli si Diet. “Pagpe-pray na lang natin na lalo pang gumanda ang kanilang pagsasama,” panghuling salita pa ni Diether.



    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here