Kakaiba ang kay Mayor Ric Rivera

    376
    0
    SHARE

    Karaniwan na at naging kalakaran
    Na yata sa alin pa mang paaralan
    Itong ang pupuede na makapag-aral
    Ng libre ay tanging matatalino lang

    O mga ‘scholar’ nating tinatawag
    Na ang mga ‘grades’ ay akma sa marapat
    Na kualipikasyon at kailangang antas
    Para makakuha ng ‘scholarship grant’

    Gaya halimbawa pagtuntong ng college
    Sa alin mang ‘state run or any private
    institutions’, na kung saan dapat ang ‘grades’
    Ay 1.5 man lang ng isang ‘student’

    Bago ma-‘admit’ yan at makapag-aral
    Saan mang kolehiyo sa ‘ting kapuluan,
    Pagkat sadyang para sa ‘scholar’ lamang
    Yata laan itong bagay na naturan.

    Na di kagaya ng kay Mayor Rivera,
    Ng ngayon ay ‘booming’ na bayan ng Guagua,
    Kung saan ang kanya’y bukas sa lahat na
    Nitong nagnanais makapag-aral pa;

    (Kabilang na r’yan ang mga ilang ulit
    Na di pumasa o nagpabalik-balik
    Sa grade I, at bago nagtapos ng grade VI
    Ay bumagsak pati ng kung ilang beses?)

    Nguni’t may hangarin na makapagtapos
    Ng kolehiyo kahit sa painut-inot,
    Ba’t di magtitiyaga dumoble man halos,
    Kung libre at wala ng iba pang gastos?

    Maliban lamang sa pamasahe’t baon,
    Masungkit lang nila ang tanging ambisyon
    Na maging Titser o kaya Manananggol,
    Kaysa bandang huli bagsak ay Kargador!

    Kaya kakaiba ang kay Mayor Rivera
    Kumpara sa lahat na yata di po ba?
    Pagkat itong balak n’yang buksang iskwela
    Ay lubhang malayo sa takbo ng iba

    Na ang pupuede lang na makapag-aral
    Ng libre ay itong mga ‘scholar’ lang,
    Kaya’t ang bobo ay wala ng pag-asang
    Makatuntong yan sa baitang man lamang.

    Partikular na ang mga kapos-palad,
    Na kahit gaano man ang paghahangad
    Na makahulagpos sa matinding hirap
    Sa pamamagitan ng ibayong sikap

    Na makapag-aral, di makapagtapos
    Dahilan na rin sa anhin mang kumayod
    Ng mga yan, sila ay walang madukot
    Para sa pangarap na gustong maabot!
     
    Pero sa isang tulad ng kay Ric Rivera,
    Na balintuna man sa tingin ng iba
    Ang kanya – ya’y lubha namang mahalaga
    Para sa mahirap na ‘constituents’ niya

    Pagkat mabibigyan ng pagkakataon
    Na makapagtapos ng di lang ‘high school’
    Kundi ng ‘college’ din pati na rin itong
    Mga mag-aaral na kapos sa dunong.

    Kaya marapat lang sa puntong naturan,
    Si Mayor Rivera ay pasalamatan;
    At ipagbunyi sa kanyang pambihirang
    Hangarin para sa kanyang kababayan.

    Na ang lahat nitong mga naghahangad
    Makapag-aral ay makatapos lahat
    Sa kolehiyong kanyang sadyang itinatag
    Para sa kabalen sa araw ng bukas

    Partikular na sa mga anak-pawis
    Na tulad ng iba sila’y nagnanais
    Di namang malagyan ng dagdag na titik
    Ang pangalan matapos ang pagsusulit;

    At mapabilang sa mga propesyonal
    Ng Guagua, Pampanga pagdating ng araw;
    At di gaya nitong mga maykaya lang
    Ang puedeng mag-duktor o abogado riyan!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here