Kailangan ng himala para masugpo ang insureksyon

    453
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Himala ang kailangan ng gobyero upang tuluyang mawakasan ang insureksyon sa bansa, ayon sa dalawang party-list representatives.

    Ayon kina dating heneral at ngayon ay Bantay party-list Rep. Jovito Palparan at Rep. Jun Alcover ng Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD), hindi kayang tuparin ng pamahalaan ang itinakdang deadline sa 2010 upang supilin ang insureksyon.

    "Isang himala ang kailangan nila para matupad ang kanilang itinakdang deadline," ani Palparan.

    Iginiit niya na isa sa dahilan kung bakit hindi mawakasang ang insureksyon ay dahil na rin sa marami pa ring sumusuporta sa mga komunista sa ibat-ibang panig ng bansa.

    Ayon kay Palparan, imposibleng masugpo ang insureksyon kaya’t mahirap ding magkaroon ng totoong katahimikan sa bansa.

    Ipinayo naman ni Alcover na upang masupil ang insureksyon ay kinakailangang sugpuin ng pamahalaan ang pinagkukuhanan ng pondong pinansiyal ng makakaliwang mga grupo at ang supply nito ng manpower.

    Aniya, hindi makatitindig na mag-isa ang New Peoples Army (NPA) kung walang sumusuporta dito.

    Ayonb kay Alcover, two prong attack ang dapat na gawin ng pamahalaan sa problema ng insureksyon.

    Una ay dapat asikasuhin sa legal na pamamaraan ang mga armadong grupo, at ikalawa ay asikasuhin din ang mga front organization communist party na mga taga suporta nito.

    Binigyang diin pa ni Palparan na walang maliwanag na batas na umiiral sa kasalukuyan upang maparusahan ang mga sumusuporta sa makakaliwang grupo.

    Sinabi niya na dapat liwanagin kung ano ang magiging pananagutan ng sinuman na mapapatunayang nagbibigay ng suporta sa rebeldeng grupo.

    Matatandaan na bago magretiro noong 2006, si Palparan ay naglingkod bilang commanding general ng 7th Infantry Division na nakabase sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at pinangunahan ang isang agresibong kampanya laban sa mga rebelde.

    Bago siya tuluyang magretiro, sinabi ni Palparan, na humina ng may 95 porsiyento ang puwersa ng mga rebelde sa Gitnang Luzon.

    Ipinagmalaki niya na naging epektibo ang kanyang kampanya laban sa makakaliwang grupo at hanggang sa kasalukuyan ay wala ng malakihang pagkilos na nagmumula sa mga lalawigan ng Gitnang Luzon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here