LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan—Kapos man sa tubig at nawawalan ng kuryente sa kanilang bagong tahanan, nagpahayag pa rin ng kasiyahan ang mga iskwater na inilipat sa lungsod na ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Mayor Reynaldo San Pedro na nakipag-ugnayan na siya sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa dagdag na 50,000 kubiko metrong tubig na padadaluyin sa mga proyektong pabahay dito.
“Maganda ang subdivision, walang problema maliban sa wala pang tubig sa bahay at kung minsan ay nawawalan ng kuryente,” sabi ni Estela Gagarin, isang dating residente ng Lungsod ng San Juan sa Kalakhang Maynila.
Si Gagarin ay kabilang sa 87 pamilya na inihatid nina Interior Secretary Mar Roxas, Public Works Secretary Rogelio Singson at Social Welfare Secretary Dinky Soliman sa San Jose Heights sa Barangay Muzon ng lungsod na ito noong Agosto 5.
Batay sa nakita ng PUNTO, ang mga bagong residente ng San Jose Heights ay umiigib lamang ng tubig sa isang public water station di kaluyuan sa kanilang mga tahanan.
Gayundin ang naging pahayag ni KC Depora na pansamantlang lumiban sa trabaho upang alagaan ang kanyang dalawang buwang sanggol samantlang ang kanyang maybahay ay nagbalik sa trabaho upang magpaalam na hindi papasok sa susunod na linggo.
Ayon kina Gagarin at Depora, isa pa sa kanilang problema ay nalayo sila sa kanilang trabaho o hanap buhay.
Gayunpaman, tiniyak nilang hindi na sila babalik sa kanilang dating tirahan sa Lungsod ng San Juan dahil giniba na iyon ng mga tauhan ng DPWH at Metro Manila Development Authority.
Ayon sa kanila, mahirap man ang kanilang mga unang raw ng paninirahan sa San Jose Heights ay nakatitiyak na makakapag-adjust sila.
Binanggit din nila na kapag umulan ay nagiging maputik ang kongkretong kalsada sa San Jose Heights dahil may mga lote pa na bakante o hindi natatayuan ng bahay.
Ayon pa sa dalawa, hindi na sila masyadong nangangamba ngayon kapag umuulan.
Ito ay dahil sa mas ligtas sa mga biglang pagbaha ang kanilang bahay ngayon.
Ang kalagayan ng mga bagong lipat na residente ay hindi lingid sa pamunuan ng lungsod na ito.
Ayon kay Mayor San Pedro, nakipag-ugnayan na siya kay Arkitekto Gerardo Esquivel, ang administrador ng MWSS para sa dagdag na 50,000 kubiko metro ng tubig.
Ito ay padadaluyin ng San Jose Del Monte Water District sa mga bahay sa mga itinayong pabahay ng National Housing Authority.