LUNGSOD NG MALOLOS— Aprubado na ang lone congressional district ng lungsod na ito kahit hindi napirmahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang batas na nagtatakda nito.
Ang Republic Act 9591 o ang batas na nag-amyenda sa seksyon 57 ng Republic Act 8757 o ang orihinal charter ng Lungsod ng Malolos ay magkakabisa bago matapos ang buwan ng Mayo.
Ito ay dahil sa isinasaad ng batas na matapos ang 15 araw na mailathala sa mga pahayagan ang nasabing batas ay saka pa lamang iyon magkakabisa. Ang RA 9591 ay inilathala noong Mayo 14.
Ayon kay Mayor Danilo Domingo, ang pagpapatibay sa RA 9591 ay ipinabatid sa kanya ni Marianito Dimaandal ng Malacanang Records Office sa pamamagitan ng isang liham na kanyang tinanggap noong Mayo 13.
Nakalakip sa nasabing liham ang dalawang pahinang sipi ng RA 9591 na pinagtibay ng Senado noong Pebrero 16, at agad ding isinumite sa Malakanyang.
Ngunit matapos ang 73 araw noong Mayo 1 ay hindi iyon napirmahan ni Pangulong Arroyo.
Nakatala sa ilalim ng ikalawang pahina ng sipi ng batas na ipinahatid kay Domingo na “Lapsed into law on May 1, 2009 without the signature of the President, in accordance with Article VI Section 27 (1) of the Constitution.”
Sinabi ni Domingo na mas higit na mararamdaman ang pagkakaroon ng bisa ng nasabing batas kapag malapit na ang halalan kung kailan ay mabubuksan ang isang panibagong halal na posisyon para sa kakatawan sa lone district sa Kongreso.
Ngunit may posibilidad maging isyu sa susunod na halalan ang proseso ng pagpapatibay sa lone district dahil sa babala ni Bokal Christian Natividad na maari siyang magsampa ng mosyon sa Korte Suprema.
“Hindi ako tutol sa lone district, gusto ko lang linawin ang prosesong ginamit sa pagpapatibay nito,” ani Natividad.
Si Natividad ay nagsilbi bilang konsehal ng Malolos noong 2001 hanggang 2004, ngunit tinalo ni Domingo sa pagka-alkalde noong 2004, at nahalal na Bokal noong 2007 sa ilalim ng tiket ni Gob. Joselito Mendoza.
Bilang kaalyado ni Mendoza, si Natividad ang isa sa kumuwestiyon sa proseso ng pagpapatibay ng Senado sa lone district matapos na batikusin ni Mendoza at ng kanyang nakatatandang kapatid na si dating Gob. Josie Dela Cruz na hindi sapat ang populasyon ng Malolos para sa isang lone district.
Ayon sa magkapatid, halos 240,000 lamang ang populasyon ng Malolos batay sa tala ng National Statistics Office (NSO) noong 2007, samantalang ang kailangang bilang ng populasyon para sa isang distrito ay 250,000.
Ngunit para kay Domingo, tapos na ang usapan hinggil sa legalidad ng paglikha sa lone district ng Malolos dahil sa pinagtibay na ito ng Kongreso at Senado, naging isang batas kahit hindi napirmahan ng Pangulo.
Nilinaw din niya sa Punto na hindi remedyo ang pagsasampa ng mosyon ang oposisyon upang pigilan ang pagkakabisa ng batas.
“Its not a remedy, the effectivity of the law cannot be restrained or be suspended,” ani Domingo.
Iginiit niya na hindi dapat tutulan ang pagkalikha ng panibagong distrito sa Bulacan, sa halip dapat isulong ng kapitolyo ang paglikha ng dagdag na distrito sa lalawigan dahil sa laki ng populasyon nito.
Batay sa tala ng NSO, umaabot sa mahigit na 2.8 milyon ang populasyon ng Bulacan, at ayon kay Domingo, ang bilang na iyon ay sapat para sa 11 hanggang 12 distrito.
“Bulacan is good for at least 11 to 12 congressmen and I can’t understand why some people are opposing the creation of the Lone District of Malolos,” ani Domingo.
Sinabi niya na ang kapitolyo ang dapat magsulong ng pagdadagdag ng mga panibagong distrito sa Bulacan, katulad ng ginawa ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite kaya’t magiging pito sa susunod na halalan ang distritong paglalabanan ng mga pulitiko sa nasabing lalawigan.
Ang paglikha ng Lone Congressional District ng Malolos ay inakda ni kinatawan Marivic Alvarado, ang may bahay ni Bise Gob. Wilhelmino Alvarado, na siya namang umakda ng batas para sa kumbersiyon ng Malolos sa isang lungsod noong 1998.