KAHIT PA 1 TAON NA SIYANG PATAY
    Pagtutol ni Ka Bel sa Cha-cha tuloy

    456
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Kung nabubuhay pa ngayon si Rep. Crispin Beltran, tiyak na titindig siya laban sa Charter Change, at maninindigan para matiyak na walang “bogus president” na mahahalal sa pamamagitan ng panukalang poll automation.

    Ito ang magkakasamang pananaw ng pamilya at mga kaibigan ni Beltran na dumalo sa pagunita sa unang anibersaryo ng kanyang pagkamatay  sa pamamagitan ng isang misa sa kanyang puntod sa Angel of Meadows Memorial and Nature Park sa bayan ng Angat kahapon.

    Bukod sa mga naulila, dumalo rin sa misa sina Anak Pawis Party-list Rep. Joel Maglungsod at mga manggagawang inorganisa ni Beltran noong huling bahagi ng dekada ‘70.

    “Hinding-hindi magbabago ang posisyon niya kahit patay na siya,” ani Ofel Beltran Balleta, ang ikatlo sa 11 anak ng yumaong Anak Pawis party-list representative.

    Sinabi niya na mula ng mahalal ang kanyang ama sa Kongreso nong 2001 ay nagpahayag na ito ng pagtutol sa panukalang Cha-cha.

    Patungkol naman sa poll automation, sinabi ni Balleta na nabubuhay pa ang kanyang ama ay “titiyakin niyang hindi madadaya at maloloko ang tao sa eleksyon.”

    Iginiit niya na,” dapat ipatupad ang batas, tiyaking walang mandadaya para walang duda sa mahahalal para walang bogus president.”

    Bilang pangatlo sa  11 anak, sinabi ni Balleta na isang pagkakataon na hindi niya makakalimutan noong buhay pa ang kanyang ama ay noong nagpapahinga sila sa pangangampanya.

    “Nagpapahinga na kami noon nang yayain niya ako sa tapat ng ancestral house ng mga Estrada sa San Juan at sinabi niya na dapat kong malaman na sa likod ng bahay na iyon ako ipinanganak,” aniya.

    Sinabi ni Balleta na sinariwa sa kanya ng kanyang ama na dati ay daan-daang pamilyang iskwater ang nakatira sa likod ng bahay ng mga Estrada.

    “Kaya daw sakitin ako noong bata ako ay dahil sa abala siya sa pag-organisa ng mga workers, tapos namamasada pa siya ng taxi,” ani Balleta.

    Hinggil naman sa mga aral ng kanyang ama, sinabi ni Balleta na tinuruan sila nito na makuntento kung ano ang kanilang pag-aari.

    “Lagi niyang paalala sa amin ay pahalagahan ang bawat sentimo dahil dugo at pawis ng manggagawa ang puhunan doon,” dagdag ni Balleta.

    Bilang isang labor leader, si Crispin Beltran ay nahalal ng tatlong beses  bilang Anak Pawis party-list representative ngunit hindi nito natapos ang ikatlong termino.

    Si Beltran ay namatay sa Far Eastern University Hospital noong Mayo 20 noong nakaraang taon matapos mahulog at mabagok ang ulo habang kinukumpuni ang isang bahagi ng kanilang bahay sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan.  Siya ay 75.

    Para sa kanyang pamilya at mga kaibigan, nag-iwan si Beltran ng isang hindi makakalimutang alaala dahil sa kanyang pakikipaglaban para sa interes ng mga manggagawa at masa.

    Isa rito ay ang panukalang batas na para alisin ang e-vat sa kuryente na kanya sanang isusumite sa Kongreso bago siya namatay.

    Si Beltran ay napamahal sa masa at itinuturing na ‘living legend” dahil sa kanyang mahigit 50 taong pakikipaglaban para sa kanila.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here