Home Headlines KADIWA Center na may permanenteng bagsakan binuksan sa San Jose Del Monte

KADIWA Center na may permanenteng bagsakan binuksan sa San Jose Del Monte

388
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE (PIA) — Tiyak nang regular na makakabili ang mga mamamayan ng lungsod ng San Jose Del Monte ng sariwa at murang produktong agrikultural ngayong bukas na ang KADIWA Center na may permanenteng lokasyon.

Matatagpuan ito sa lupang pag-aari ng pamahalaang lungsod na madadaanan sa Road 1 na nasa Barangay Minuyan Proper.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Consumer Affairs at KADIWA Program Head Genevieve Velicaria-Guevarra, panibagong oportunidad ito upang makapagtinda nang direkta ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Bulacan, gayundin ang mga mangingisda na nasa dalampasigan ng lalawigan.

Para matiyak aniya na maging tuluy-tuloy ang operasyon nitong bagong KADIWA Center, umagapay din ang Department of Agriculture para makabuo ng mga kooperatiba ang mga magsasaka at mangingisda na lalahok sa regular na pagtitinda rito.

Aabot sa 20 hanggang 30 porsyento ang kamurahan ng mga mabibiling pagkain at produktong agrikultural sa nasabing KADIWA Center kumpara sa mga karaniwang groceries at sa palengke.

Kabilang si Paola Bianca Francisco na taga Barangay Sapang Palay na inaasahang magiging regular na suki ng binuksang permanenteng KADIWA Center.

Aniya, dahil mura ang bilihin dito, laging mauubos ang mga tinda kaya’t siguradong palaging sariwa at bago ang mga mabibili rito araw-araw.

Kabilang sa mga pwedeng mabili ang mga high-value commercial crops na gulay, bigas, itlog, asukal, pampalasa, root crops, prutas, isda, mga karne ng baboy at manok, mga produktong delata, canned goods, mantika, saukan gaya ng patis at suka, at mga instant noodles.

Ayon kay San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes, minarapat ng pamahalaang lungsod na laanan ng lupa sa Road 1 ang KADIWA Center dahil malapit sa lahat ng mga mamamayan ang lugar na ito.


Sinusuri nina Agriculture Assistant Secretary for Consumer Affairs at KADIWA Program Head Genevieve Velicaria-Guevarra (kanan) at San Jose Del Monte City Lone District Representative Florida Robes (pangalawa mula sa kanan) ang bagong bukas na KADIWA Center sa Road 1 na nasa Barangay Minuyan Proper. Layunin ng proyektong ito na makapagtinda nang direkta ang mga magsasaka at mangingisda, habang makakabili nang murang pagkain ang karaniwang mga mamamayan. (SDJM CIO)

Madali ring makasakay ng modernong dyip papunta at paalis mula sa lugar kung saan nakatayo ang KADIWA Center.

Sinabi naman ni Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon na babantayan pa rin ng ahensiya itong KADIWA Center kung papaano nababantayan ang iba pang karaniwang pamilihan.

Ito’y upang mapangalagaan ang karapatan ng karaniwang mga mamimili at matiyak na maipreserba ang tunay na layunin ng KADIWA Center na hindi mapasok ng mga middlemen at secondary retailer, o ang mamimili nang marami at ibebenta nang mahal sa labas.

Dekada 70 nang ipakilala ni noo’y Unang Ginang Imelda Marcos ang konsepto ng mga KADIWA Center na ang ibig sabihin ay “Kasama sa Diwa”.

Isa itong mekanismo ng pamahalaan upang makabili ng mura, sariwa at bagong mga pagkain ang karaniwang mamamayan.

Kalakip nito ang layuning makapagtinda nang direkta ang mga magsasaka at mangingisda na hindi na kailangang makipaghatian pa ng kita sa mga middleman. (CLJD/SFV,PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here