CABANATUAN CITY – Sa isang barangay na dating pugad ng mga rebelde at mga kaalyado ng kilusang kumunista, sumisibol ngayon ang pag-asa ng kaunlaran sa gitna ng patuloy na pag-asenso ng isang kooperatiba na nagpapatubo at nagbebenta ng kabute.
“Yayaman din ang aming samahan at lalaki ang kita ng aming mga miyembro,” ani Aling Gloria Picayuro, marketing manager ng Parista Barangay Defense System Multi-Purpose Cooperative (PBDS-MPC) samantalang hinaharap ang mga mamimili sa kanyang puwesto sa ginanap na agri-aqua trade fair ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.
Pero higit sa biglang benta, ayon kay Aling Gloria, ay inaasahan nila ang mas malalaking order mula sa mga taga-tingi kaya’t sila ay regular na lumalahok sa trade fair na itinataguyod ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiyang tulad ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI).
“Ang inaasahan namin sa trade fair, ‘yung o-order ng maramihan,” aniya.
Ang PBDS-MPC na binubuo ng mga dating rebelde at kanilang mga taga-suporta ay itinatag noong 2007 sa pagsusulong ng Philippine Army (PA).
Ito ay sa tulong ng DTI at Nueva Ecija Small and Medium Enterprise Development (SMED) Council, isang samahan ng mga negosyante, at ang pamahalaang lokal.
Ang kooperatiba na binubuo ngayon ng mahigit 40 pamilya ay umaani ng mahigit 20 kilo ng kabute araw-araw na nabebenta sa P140 kada kilo na presyong farmgate, ani Aling Gloria.
Mula sa produksyong ito ay kumukita si Aling Gloria ng P180 kada araw.
“Kumpara sa dati na walang wala talaga kahit pambili ng bigas, napakalaking bagay nito,” ayon sa ginang.
Ang kanilang ani ay ibinibenta ngayon sa dalawang malaking mall sa lungsod ng San Jose at hinahanap-hanap na rin sa mga pamilihang bayan ng naturang lungsod at bayan ng Lupao, ayon kay Aling Gloria.
Ang kooperatiba ay pinagkalooban ng pang-unang suporta na P100,000 mula sa DTI upang magamit sa pagpa-paunlad ng kanilang negosyo tulad ng labeling, at paglikha ng ibang produkto mula sa kabute, ayon kay Brigida Pili, provincial director ng DTI-Nueva Ecija.
Nitong Agosto ay muling pinagkalooban ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng P500,000 tulong pangkabuhayan ang PBDS-MPC.
Ayon kay Region 3 Director Leopoldo De Jesus, napatunayan na ng kooperatiba ang katatagan nito nang mapalago ang P190,000 na nauna nilang ipinagkaloob.
Gagamitin sa pagsasanay ng mga kasapi at pagbili ng kinakailangang kagamitan ang tulong pinansiyal, ani De Jesus.