Ang panukala ni Mayor Ed Pamintuan,
Ng Angeles city, na maipa-iral
At ipagbawal sa buong kalungsuran
Ang pagbebenta sa mga kabataan
Ng sigarilyo at saka ng inuming
Agua pataranta o nakalalasing
Ay tiyakang ito’y mapipilit sundin
Ng mga may tinda ng ganyang bilihin
Lalo’t tulad nitong ya’y may kaakibat
Na parusang multa sa mga lalabag
Sa panukalang yan ng ama ng siyudad,
Kapag ito’y naging ordinansang ganap.
Na inaasahang ya’y susuportahan
Ng kasamahan sa palingkuran bayan;
At ng iba’t-ibang sektor sa lipunan,
Kasama na pati ang mga magulang
Na dapat manguna, pero sila itong
Sa murang isip n’yan parang nagtuturong
Ang paninigarilyo at gawang pag-inom
Ng alak ay likas na sa tao ngayon?
Pagkat di batid ng iba ang posibleng
Kahihinatnan n’yan kapag nahumaling
Sa paninigarilyo at nakalalasing
Na inumin sanhi ng patikim-tikim.
Gaya halimbawa kapag inutusan
Ng nakatatanda upang ibili yan
Nitong alin man sa dalawang naturan
Sa ‘sari-sari store’ o kahit saan man.
Lalo na kapagka inatasan sila
Na sindihan bago iabot sa kanila;
Kung kaya oras na yan ay matuto na,
Tiyak bisyo na ng murang edad nila.
Ganun din ang bagay na nakalalasing,
Tulad ng alak o anumang klaseng ‘beer’;
Kung ang bata ay malimit makasimsim,
Yan di magtatagal ay kalasing na rin.
Na siyang ninanais lubos masawata
Ni Mayor kung kaya naipanukala
Niya sa Konseho na sila’y gumawa
Ng ordinansa r’yan na nagbabawal nga
Sa nagtitinda ng sigarilyo’t alak,
Itong huwag pagbilhan ang menor de edad
Ng ganitong klaseng panindang di dapat
Maging bisyo nitong ating mga anak.
(Na sadyang tinukoy ni Rizal sa kanyang
Bantog na aklat na kung saan malinaw
Nitong inasam na nasa kabataan
Ang pag-asa nitong ating Inangbayan!)
Sa puntong ito ay sadyang marapat na
Maisabatas o maging ordinansa,
Itong panukala ng butihing ama
Ng lungsod upang yan ay ipairal na.
Batay sa kung anong mga nasasaad
Na kaparusahan o multang marapat
Ipataw sa kahit na sinong lalabag,
Maging sa dayuhan at sa taga siyudad
Na magbebenta sa mga kabataan
Ng sigarilyo at alak na naturan,
Ng walang sino pa mang kinikilingan,
(Kahit kamag-anak ka ni Mayor EdPam?)
Sa State, ang isang ‘young-looking’ di basta
Puedeng makabili ng ‘beer’ at ano pa,
Na ‘regulated’ na uri ng paninda,
Kung ya’y walang I.D. na maipakita
Na magpapatunay sa tunay na edad
Ng ‘buyer’ bago siya pagbilhan at sukat
Sapagkat tindera ang mapapahamak
Kung masita yan ng alagad ng batas.
Kung nagagawa yan sa ibang lupain,
Ito’y makakaya rin natin marahil;
Pagkat disiplina lamang din ang tanging
Lunas sa anumang magandang mithiin!