MARAHIL kahit na hindi pusong mammon
ang isang tao ay daramdamin itong
binigkas ng ating mahal na Pangulong
PNoy – kung saan ang NBI Director
Ay natural na unang masasaktan
kahit hindi siya ang kwenta direktang
tinumbok ng salitang medyo maanghang
ni PNoy patungkol sa kanilang hanay
Na may himig manding kawalan ng silbi
kundi man inutil sa madaling sabi,
kaya tama lang ang naging aksyon pati
ni Director Rojas sa puntong nasabi
Na siya ay mag-fi le ng ‘irrevocable
resignation’ upang sakali ma’t mayrung
may ‘cloud of doubt’ kay sir si Pangulong PNoy
sa pagtupad n’yan ng opisyal na misyon
Ay mabura at di nga po mabahiran
ng anumang dungis ng pagalinlangan
ang katapatan niya sa ahensyang tangan
bilang Director na may paninindigan.
Sapagkat higit sa lahat na ng bagay
ay dangal ng isang taong nabubuhay
sa ibabaw ng mundo ang ika nga’y lantay
na gintong papuring dala hanggang hukay.
Aanhin ang bunton ng tumataginting
na salaping sa masamang gawa galing
kung sa kabila ng trono mong narating
ay balisa ang ‘yong puso at damdamin?
Tulad na lang nitong si Napoles ngayon
na anila ay may mararangyang mansion,
pero saan siya nakatira ngayon
kundi sa isang karsel (na kahit may aircon
At medyo kakaiba ang kanyang kulungan
sa ibang ‘detainee’?) ay di niyang magawang
lumabas basta at magpunta kung saan,
sanhi ng mabigat na kasong kriminal
Na kinakaharap at kung saan pati
ang karangalan at malinis na puri
ay damay sa pagkadawit ng sarili
sa PDAF Scandal na napakatindi!
At kahit posibleng ginamit lang siya
ng kung sinong taga Senado’t Kamara,
sino ang maaring sumagip sa kanya
ngayong sila man ay ipit na kumbaga?
Balikan po natin ang naging pahayag
nitong Malakanyang na ikinasugat
yata ng damdamin ng mga matapat
na NBI Agent nitong Pilipinas
Yan huag na lang nating pansining gaano
pagkat dala lang yan marahil siguro
ng ala-pabongga minsan ng Pangulo
sa pagsasalita ng dire-diretso;
Na medyo malayo sa pananalita
ng nasirang ama, na takal ika nga
ang sinasabi sa harapan ng madla,
kaya marami ang kay Ninoy ay hanga
Pero di po naman natin sinasabi
na bale wala ang ating Presidente,
kundi kumpara sa bayani niyang Daddy
ang estilo’y lubhang magkaiba pati!