ORANI, Bataan — Ginugunita ng mga Katoliko, tulad sa bayang ito, ang itinakdang kaarawan ng Mahal na Birhen ngayong Biyernes, Setyembre 8.
Ang magandang Orani Church o ang Minor Basilica and Shrine Parish of Our Lady of the Rosary of Orani ay napapalamutian ng makukulay na dekorasyon sa harap.
Naghahanda naman ang mga deboto sa pag-aayos ng karo ng mga imahen ng iba-ibang santo at santa ng Simbahan para sa isang malaking prusisyon na gaganapin simula alas-5 ng hapon ng Biyernes.
Bago ang grand Marian procession, magsasagawa muna ng eucharistic celebration sa Orani Church o Simbahan ng Virgen Milagrosa de Orani.
Ang Mahal na Birhen ay may sariling museo sa tabi ng Simbahan na inaasikaso ng mga babaing kasapi ng Confradia del Virgen Milagrosa de Orani.
Makikita sa nasabing museo ang maraming damit at korona na donasyon mula sa mga deboto na isinuot sa Imahen ng Mahal na Birhen.