Home Headlines Kaanak ng estudyanteng nadaganan ng pader puno ng dalamhati, humihingi ng hustisya

Kaanak ng estudyanteng nadaganan ng pader puno ng dalamhati, humihingi ng hustisya

558
0
SHARE
Jen Orviel Titulo, 20. FB photograb

MARIVELES, Bataan — Puno ng lungkot ang mag-aanak, lalo na ang ina, ng estudyanteng nangangarap maging arkitekto subalit  nadaganan ng kongkretong pader na nabangga ng isang pampasaherong minibus sa transport terminal  sa Lungsod ng Balanga.

Ang biktima na si Jen Orviel Titulo, 20, ng Barangay Cabcaben sa Mariveles, Bataan ay second year college sa Architecture sa Bataan Peninsula State University sa Balanga City. Panganay siya sa limang anak ng factory worker na si Jennifer Dinglasan, 37, isang single parent. 

Buong lungkot na ikinuwento ni Dinglasan na naglalakad na mula school papuntang transport terminal ang anak nang tawagan niya ito na sabay na silang umuwi yamang nasa Balanga rin siya.

“Sasabay ba akong umuwi,” ilang ulit na tanong umano ng anak sa kanya na sinasagot niya ng “Oo, sige”.  Naunang dumating ang anak sa passenger waiting area ng transport terminal.

Pagsapit umano niya ng terminal, nakita niyang nagkakagulo mga tao. “Tapos tinatawagan ko ang anak ko kasi may aksidente daw sa puwesto ng bus pa-Mariveles. Ang anak ko hindi ko makontak. May nadaganan daw ng pader na babae dahil mahaba daw ang buhok.”  

 “Sabi ko kuya, kuya yung anak ko mahaba ang buhok nakaupo siya diyan. Mukhang babae ho ang anak ko kasi mukha po siyang babae kapag mahaba ang buhok niya. Nasa mismong terminal ako, hinahanap ko siya hindi ko siya makita hindi siya sumasagot sa tawag. Tapos nung makita ko yung may nakahiga nakita ko yung buhok parang pamilyar yung buhok parang buhok ng anak ko,” patuloy ng ina.  

“Kuya, kuya, sabi ko anak ko yata yan, anak ko yata yan. Mukha kakong babae ang anak ko lalaki yun tapos nung itinihaya na nila hinawi ang buhok niya nakita ko yung mukha niya sabi ko, anak ko yan, anak ko yan. Lumapit na ako sa kanya kaya lang ayaw akong palapitin,” sabi pa ng ina.

Sinabi ni Dinglasan na wala nang nakadagan at natanggal na sa ilalim ng gumuhong pader ang anak niya nang makita niya ito. “Nakaupo lang siya kasi nga hinihintay niya ako tapos sabi daw  ng kaibigan niya na kasama na naggagawa ang anak ko ng plates sa cellphone.”

Sa tanong kung may panawagan siya, sumagot ang ina ng “Basta samahan niyo na lang ako na para tulungan niyo ako na makuha ang hustisya para sa anak ko.  Maraming pangarap siya, matalino at aral lang.” 

Inararo ng minibus ang passenger waiting area ng transport terminal Lunes ng gabi. Maaari umanong natapakan ang accelerator sa halip na preno ng sasakyan o maaari ding pinaandar ang sasakyan ng naka-kambiyo habang nasa sinilyador ang paa. 

Isang bus dispatcher ang nasaktan at kasalukuyang naka-confine sa Bataan General Hospital. 

Patuloy pa ang imbestgasyon ng pulisya. 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here