Sa beinte tres nitong buwan ng Nobyembre,
Eksaktong ‘3 years’ na mula nang mangyari
Sa Maguindanao ang pinakamatindi
Na naitalang krimen sa ating ‘history’
Kung saan tunay namang karumaldumal
At di makataong uri ng pagpatay
Ang hinihinalang gawa r’yan ng angkan
Ni Andal Sr. ng bayang Ampatuan.
At si Andal Ampatuan Jr. itong
Sinasabing pasimuno ng madugong
Pag-ambush sa misis ni ngayo’y Governor
Mangudadatu at sa kanilang convoy
Ay katakatakang halos di umusad
Sa korte ang kasong naisampa’t lahat
Ng naulila at mga kamaganak
Pati ng pinaslang na mamamahayag;
Gayong maliwanag pa yata sa sikat
Ng araw, na itong si Andal ang utak
Ng pagharang, saka pagpaputok agad,
Ayon sa testigo na nagsipaglantad
At kusang sumuko upang patunayan
Sa court of justice ang katotohanan,
Na si Andal Ampatuan Jr. ang siyang
May gawa nitong maramihang pagpatay.
Pero tatlong taon na nga ang lumipas
Ano’t patuloy pa rin namang mailap
Ang hustisya para sa biktima’t lahat,
Kung di delaying tactics ang nagaganap?
Sa pagitan nitong kinauukulang
Bar of justice at ng respondents po bilang,
Upang i-derail ang isyu at tuluyang
I-‘dismiss for lack of evidence’ na lang yan?
Kasi, eh bakit nga ba naman inabot
Ng ganyan katagal gayong lahat halos
Na ng ebidensya para mapanagot
Ang mga salarin malinaw nang lubos?
At saka ano’t ang coverage ng bista
Sa loob ng Korte ay i-ban sa Media?
Kung walang anumang pagnanasa sila
Na itago pati sa mata ng Masa?
Higit pa ba nilang bibigyan ng pansin
Itong kahilingan ng mga salarin,
Kaysa kapamilya riyan ng mabubuting
Taong pinatay n’yan kung pakaisipin?
Kung si Estrada nga na naging Pangulo
Ng Pilipinas ay ‘live coverage’ ito
Sa Telebisyon nang bistahin ang kaso,
Ang salarin pa bang yan ang payagan n’yo?
Na huwag ipakita sa TV ang takbo
Ng kanilang hearing sa ating Husgado
Gayong sila’y mga karaniwang tao,
Kumpara kay Erap na isang Pangulo?
Nang panahong iyon, pero napilitang
Humarap sa bista ng Sandigangbayan
Dahilan na rin sa nararapat lamang
Ang live coverage na siyang susubaybay
Sa takbo ng ginanap na paglilitis,
Na kita ng lahat at ng bar of justice,
Nang di maitago ang kahit gabinlid
Na pagkiling ng ‘court’ sa alin mang panig.
Kaya sa puntong yan na ayaw payagan
Ng kung sinong Justice ang live coverage n’yan,
Yan ay pagsikil sa ‘press freedom,’ na siyang
Marapat umiral sa ating lipunan.
At naa-ayon sa ‘ting saligang batas
Ang anong bagay na ipairal dapat
Ng court of justice sa kasong mabibigat,
Upang maiwasan ang biglang pagligwak
Ng ‘scales of justice’ sa kamay ng gaya
Nitong Ampatuan na maimpluwensya;
Na di malayong isugal ang lahat na
Maipanalo lang ang usapin nila!