ANG pagiging palabiro ni Pangulo
na may himig pagmumura sa kung sino,
madalas ang dating n’yan sa ibang tao
ay di maganda at lubhang kumplikado.
Tulad nang aniya ay gumagamit din siya
nitong kung tawagin ‘Maryjane’ ng iba
para makalasap ng kaunting ginhawa
at maibsan ang uhaw na nadarama.
Aakalain ng mga kabataan
na makabubuti pala sa katawan
ng sinuman itong tumikim ng ganyan,
di malayong siya’y posibleng tularan.
Eh, bakit nga hindi, kung ganyang siya mismo
na Pangulo nating mga Filipino
ay gumamit din pala ng ganito
na isang uri riyan ng masamang bisyo?
Batid ko, na ako’y walang karapatan
upang ang Pangulo ay aking sabihan
na itigil ang pagbibiro ng ganyan,
kundi ng manapa’y magpa-alala lang.
Sana bilang ating pinakamataas
na lider ng bansa ay maging maingat
ang ating Pangulong Duterte sa lahat
ng bagay na puedeng niyang ikapintas.
Sanhi na rin nitong hindi lamang siya
ang apektado sa pagsasalita niya
ng may kagaspangan sa tingin ng masa,
itong ibang klase niyang pagpapatawa.
Bilang Filipino na hinahangaan
maging iba pa sa husay niya’t tapang,
marapat lamang na siya’y maging uliran
sa lahat na upang di siya mapintasan.
(Pagkat kung mayrun mang dapat ikahiya
na di ikapuri nitong Inang-bansa,
ito ay yaong sa yaman nagpapasa,
at ubod ng kapal pati pagmu-mukha.
Na walang pakialam sa ikabubuti
nitong ating bayan, kundi ang sarili
lamang nitong higit na nakararami
na mga ‘dorobo’ at ‘buwayang kati’).
Malaki ang ating kay Pangulong Digong
tiwala, na siya itong mag-aahon
kay Inangbayan sa grabeng pagkabaon
sa hirap na pasan, magpahanggang ngayon.
Sa totoo lang, mahal naming Pangulo
ang lahat na yata’y nananalig sa inyo,
na tanging kayo lang ang makapagbago
sa mga biktima ng bawal na bisyo.
At sa takbo pati ng pamahalaan
na pinamugaran ng mga opisyal
na ‘corrupt’ at mga walang kabusugan
sa paglamon sa kuwarta ng Inangbayan.
Kinakailangn nang magpakatotoo
na kayo at lubos na maging seryoso
at huwag nang haluan din ng ‘joke’ siguro
ang pagsasalita natin sa publiko.
Pagkat imbes itong naligaw ng landas
na dapat tahakin, inyong mailigtas
sa tiyak na disgrasya lalong mapahamak
sanhi ng kawalan ng takot sa batas.
At dahil higit sa lahat na ay kayo
ang siyang pinuno r’yan ng ating gobyerno,
marapat lamang na magpakatotoo
na tayo sa ating pahayag sa tao!