FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Isinagawa ang pagsasanay ng Armed Forces of the Philippines na tinawag na AFP Joint Exercise DAGITPA na kinabibilangan ng military free fall, airfield assault, at military operations in urban terrain (MOUT).
Unang isinagawa ang military free fall na sinundan ng air assault at ang huli ay ang MOUT na ginawa sa Mega Drug Rehab Facility.
Ang pagsasanay ay kinabibilangan ng Light Reaction Regiment, Special Operations Wing, 1st Infantry Division, mechanized platoon, explosive ordnance disposal team, combat engineers, at chemical, biological, radiological and nuclear platoon mula sa pinagsanib pwersa ng Army, Navy at ang Air Force ng AFP.
Layunin nito na pagibayuhin ang kaalaman at kapasidad ng AFP sa labanan para ipagtanggol ang bansa sa anumang banta ng seguridad. Sinimulan ang pagsasanay sa isang free fall ng mga sundalo na nag-parachute mula sa mga helicopter sa taas na 2,000 ft.
Matapos nito ay may mga sundalo na nagsibabaan ng helicopter at ipinakita ang kakayanan sa assault o pagkubkob sa target na lugar.
Ang huli ay ang pagpasok sa isang kuta ng kalaban para ma-take over ang buong gusali.
Ayon kay Lt. Col. Sonny Dungca, education and training officer ng Special Operations Command, ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsama-sama ang tatlong major forces sa bansa upang ibahagi sa isat-isa ang mga kaalaman at kakayahan.