LUNGSOD NG BALANGA — Dumaraing nitong Miyerkules ang mga driver ng pamasaherong jeepney at minibus sa Bataan dahil sa hindi mapigil na pagtaas ng halaga ng krudo at gasolina.
Ang ilan ay napilitan na umanong pansamantalang tumigil ng pasada dahil wala rin daw silang kinikita.
Ang kasalukuyang presyo ng krudo sa Bataan ay P87.25 isang litro at P83.80 – P85.25 naman ang gasolina.
Ayon kay Reynaldo Reyes, driver ng jeepney, may mga kasamahan na siya na biyaheng Dinalupihan (Bataan)- Balanga City ang hindi na muna namamasada.
“Walang kinikita at sinosobra dahil sa mahal ng diesel pagkatapos ang pasahero ay kakaunti lang dahil hindi pa normal ang pasada,” sabi ni Reyes.
Sinabi naman ng isang driver ng minibus na nagpakilalang Romy na masuwerti nang may matirang P200 o P100 sa kanila sa isang araw dahil sa laki ng gastos sa krudo.
Si Romy ay namamasada sa rotang Balanga City – City of San Fernando, Pampanga.
“Ibalik sana ang dating mababang halaga ng krudo dahil problema ito,” sabi ng driver.
Kapag hindi umano nakuha ng isang driver ang pangkrudo sa roundtrip nila ay hindi na bumibiyahe at umuuwi na lang dahil paluwal pa sa krudo at wala pa silang pera.
Samantala, patuloy naman ang libreng pamasahe ng pamahalaan sa mga sasakyang may balikang rota na Balanga City– Orani, Balanga City–Dinalupihan at Balanga City – Bagac.