
BALIWAG, Bulacan — Dumadaing ang ilang jeepney drivers at operators sa bayang ito dahil hindi daw sila nakatatanggap ng fuel subsidy mula sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board ng kanilang Tawid Pasada Card.
Ayon kay Danilo Ignacio, tagapangulo ng Bulacan Federation of Jeepney Drivers and Operators Association, marami sa kanila ang hindi nakatatanggap ng fuel subsidy mula sa gobyerno na pinadadaan sa LTFRB.
Aniya, marami sa kanila ang hindi nabigyan ng nasabing card lalo na kung ang jeepney na gamit nila ay nabili nila na segunda mano at ang card ay nakapangalan sa unang nagmay-ari ng sasakyan.
Ani Ignacio, dahil sa patuloy na pagtaas ng krudo, ang dati nilang kita na umaabot mula P1,000 hanggang P1,500 kada araw ay bumagsak na ngayon sa P200 hanggang P400 na lang kada araw.
Dagdag pa niya, sa halip na bigyan sila ng sabsidiya ng gobyerno na hindi naman sumasapat ay mas mainam na solusyon ay pababain muli ang presyo ng krudo sa P40 kada litro.
Patungkol naman sa subsidiya, nananawagan si Ignacio sa gobyerno na busisiin kung sino-sino at kung lehitimong drayber o jeepney operators ba ang mga nagmamay-ari ng Tawid Pasada Card para mapakinabangan ng lahat ng mga namamasada ng pampublikong sasakyan ang nasabing fuel subsidy.