Janet Napoles, ‘State witness?’

    875
    0
    SHARE

    ITONG kahilingan ni Janet Napoles
    na payagan siyang maging ‘state witness’
    laban sa kung sinong mga Senadores,
    Congressmen at iba pang posibleng suspek

    Sa ‘PDAF scam’ na halos ‘one third’ yata
    ng nasa Senate at Batasang Pambansa
    ay nanganganib na ibulgar ika nga
    ni Ginang Napoles para makalaya

    At malasap muli ang sarap ng buhay
    sa labas, katulad ng nakasanayan,
    ya’y marapat lang na suriing mataman
    ni De Lima bago tuluyang aksyonan

    O nitong alin mang ating ‘bar of justice’
    upang ang anumang posibleng ‘malpractice’
    ay maiwasan at di maging panganib
    sa seguridad ng bansa si Napoles.

    Pagkat di malayong pati si Magellan
    ang isabit nito sa isyu ng ‘scam’
    para lamang nito lubos matakasan
    itong naging mitsa ng pagkakulong n’yan.

    Mabuti-buti kung totoo talaga
    at hindi ‘concocted’ lang ang ikakanta;
    Walang inosente riyan na magdurusa
    habang ang tunay na ‘culprit’ ay masaya.

    Eh kung liban kina Enrile, Revilla
    Jinggoy Estrada at iba pang kasama
    ay mayrun ding taga Malakanyang pala,
    at nagkataon pang ito’y kapamilya

    Ni PNoy o kaya may utang na loob
    ang mga Aquino sa posibleng sangkot,
    di kaya direktang kumorba ng lubos
    ang tuwid na daan niyang bumaluktot?

    Malay natin baka may mga tao rin
    si Sir sa ilang posibeng dawit din,
    tulad halimbawa kung ito’y kalihim
    na di niya magawang direktang ipitin;

    At maliban dito may maituro pa
    si Ginang Napoles sa gabinete niya,
    sanhi na rin nitong baka mas higit pa
    ang bilang ng nasa kampo niya talaga?

    Hahayaan kaya ng ating Pangulo
    na masampahan ng mabigat na kaso
    ang isang tunay na kanyang kaalyado,
    sakali’t humantong sa ganitong punto?

    O hangga’t maari niyang maitago
    sa mata ng bayan, ikukubling lalo?
    Bunsod ng matinding mga pagkabigo
    nitong sa bayan ay kanyang pinangako

    Na walang natupad at di niya nabago
    ang kasalukuyang takbo ng gobyerno
    gayong halos ‘two years’ na lang sa Palasyo
    ang natitira sa ‘six years’ niyang termino.

    “Tuwid na Daan” ang pangako sa atin,
    pero ano itong nakikita natin,
    kundi pandarambong at nakawan pa rin,
    na mas masahol pa sa dati marahil?

    Na inaakusa laban kay Ate Glo
    ng administrasyon ni Nonoy Aquino;
    At kung saan pati pagdalaw lang mismo
    sa sariling bayan ng dating Pangulo

    Ay ayaw pagbigyan nitong Malakanyang
    gayong si GMA ay suspek pa lamang
    at di pa ‘convicted’ sa ibinibintang,
    na pandarambong sa salapi ng bayan

    Sabagay, ganun din itong kay Napoles,
    akusado pa lang o ika nga’y supek,
    kaya itong Motion niyang mag- ‘state witness’
    ay posibleng i-grant ng Justice Department?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here