Balik sa Kapuso Network ang aktor na si James Blanco pagkatapos ng siyam na taong nawala sa nasabing istasyon.
“Well, ang sarap ng pakiramdam na narito ulit ako sa GMA 7,” bungad ni James sa amin sa press launch ng afternoon prime nilang “YAGIT” kamakailan sa Studio 6 ng GMA Network.
“Alam kong kahit papano ano…na-taken for granted ko sila when i made my decision na makipagtrabaho naman sa ibang networks. Pero maayos naman ang pag-uusap namin kaya pinayagan nila ‘ko kaya wala akong pinagsisihan,” katuwiran pa nito.
“I would say na may mga pagkukulang ako sa kanila. But now na narito na uli ako I’m pretty sure na pagbubutihin ko na ang pakikipagtrabaho sa kanila. Wala na lang comparison sa mga nakatrabaho ko sa Kapamilya at Kapatid networks,” sabi pa rin ni James na ang tinutukoy ay ang TV5 & ABS-CBN 2.
Matagal ding hindi napapanood sa madramang palabas ang hunk actor dahil matapos mawalang lahat sa ere ang mga programa niya sa Singko at Dos ay nag-concentrate muna sa sarili niyang business ang guwapo pa ring aktor kaya na-miss nito ng husto ang pag-arte at ng alukin muli siya ng Kapuso para sa “YAGIT” ay hindi na siya tumanggi pa.
“Oo nga eh,” mabilis nitong tugon. “Matagal ko ring hinintay ang ganito kagandang project sa tv. Ang nagustuhan ko kasi sa bagong afternoon prime na’to…’yun bang reality ng buhay. ‘Yung araw-araw na nangyayari lalo na sa kapaligiran natin. Dapat ganito ang mga programang maisipan ng ibang networks na gawin,” aniya pa.
Gaya nitong “YAGIT” na minsang napalapit sa puso ng manonood nu’ng mid 80’s na regular napapanood sa Siete na kanilang ibinabalik at inilalapit muli sa televiewers kung saan mahalaga ang papel ng bidang si James.
“Totoong kuwento kasi ito ng mga nakikita nating street children or mga batang pagala-gala. Sabi nga nila ‘yung mga palaboy-laboy kung saan-saan. Gaya ng mga nakatira sa tabi ng riles ng tren.”
“Parang hindi nga kami umaarte sa taping namin na madalas ang set ay sa Pandacan Manila. Natural na natural kasi lahat. Lalo na ‘yung mga baguhang bata na nakuha para sa palabas naming ‘to. Ang gagaling talaga. Tapos ang direktor pa namin ay isang magaling na aktres na si Direk Gina Alajar.
Kaya sure kaming makaaasa ang televiewers na mai-enjoy nila ang panonood ng “Yagit” na mag-i-start nang umere sa telebisyon,” pagmamalaki pa ni James. Wala pa ring pagbabago sa lakas ng sex appeal, kaguwa-puhan at magandang built ng pangangatawan ng aktor. Yummy’ng-yummy pa rin nga siyang matatawag kaya kayang-kaya pa rin niyang makipagsabayan sa hanay ng hunk actors ngayon.
Lalo na ‘yung mga walang takot na naghuhubad at nakikipaglampungan o halikan sa kapwa nila lalaki sa indie films na siyang trending ngayon sa local showbiz. “Siguro if there’s an offer for me na gano’n…baka hindi ko tanggapin. Pero hindi ko naman minamaliit ‘yung mga lumalabas sa ganu’ng movie.
Kanya-kanya lang siguro ng linya ‘yan. For me…hindi ko yata linya ang ganu’ng klase ng pelikula,” lahad pa nito.
“Lalo pa ngayon na malalaki na ‘yung tatlong anak namin ng wife ko. Ayokong mapanood nila once na tumanggap ako ng gano’n di ba? Ano na lang ang sasabihin nila sa akin? So, kuntento na’ko sa ganito ‘yung may magandang offer na tv project like ito ngang “YAGIT”. Okey naman at natutuwa ako na binigyan ulit ako ng chance ng Kapuso,” masayang pagtatapos pa ni James sa aming panayam.