Iwaksi ang ‘Impunity’

    970
    0
    SHARE

    Mga kabalen, kamakailan lang nanariwa sa alaala natin ang nakagigimbal na Maguindanao Massacre, na tinagurian ding Ampatuan Massacre. Kapag nababasa natin ang mga istorya patungkol dito, kaagad kakabit ang salitang “impunity”. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang iyon?

    Ang “impunity” ay karaniwang ginagamit sa paglalarawan sa mga taong gumagawa ng kasalanan, kabuktutan, o krimen nang walang takot sa kaparusahan, o naniniwalang sila’y ligtas sa parusa o anumang pananagutan dala sa kanilang impluwensiya o kapangyarihan.

    At pinakamatinding karahasan sa panahon ng halalan dulot ng “impunity” ay natala sa ating kasaysayan noong ika-23 ng Nobyembre 2009, dalawang taon na ang nakakaraan.

    Ang 58 na biktima ay walang habas na pinagbabaril, diumano ng ilang miyembro ng pamilyang Ampatuan at nang kanilang mga tauhan. Makaraan ang pagpaslang, ibinaon sa malaking hukay ang mga biktima kasama ang mga sinakyan nila, sa pag-aakala na mabubura ang bakas ng kanilang krimen.

    Hanggang ngayon, may isa pang bangkay na hindi pa natatagpuan sa lugar ng krimen.

    Ngunit bakit hanggang ngayon, dalawang taon na ang nakalipas, kung saan 58 ang napatay, 32 ay mga mamamahayag, ay dadalawa sa panguhaning akusado ang nabasahan ng sakdal o humarap sa court
    arraignment ?

    Sadyang nagiging mailap sa mga mahihirap ang hustisya.

    At para matamo ang hustisya, kailangan pang maghintay ang mga naulila habang ang mga abugado ng mga Ampatuan ay gumagawa ng lahat nang paraan upang pigilan ang pag-usad ng mga kaso?

    Ang mga kalabisang ito’y dala-dala ng kultura ng “impunity,” o ang paggawa ng kasamaan o krimen nang walang takot sa kaparusahan. Ito ang malamang na naka-gawian ng mga maimpluwensiyang pamilyang Ampatuan sa Maguindanao.

    Dahil sa kanilang pagkamulat sa kapangyarihan, sila’y walang nang takot gumawa ang anumang kalupitan o karahasan nang walang iniisip na pananagutan o kaparusahan.

    Halos hindi na nga umusad ang kaso laban sa kanila bunsod ng mga delaying tactics ng mga Ampatuan lawyers. Tila hindi nauubusan ng mga paraan ang mga abugado ng ng pamilyang Ampatuan sa paghain ng mga petisyon pabor sa mga akusado.

    Samantala, nababagot na sa paghihintay sa hustisya ang mga kamag-anakan ng mga biktima sa mala-pagong na pag-usad ng kaso.

    Mayroon pang ilan sa mga pangunahing akusado, tulad ni Autonomous Region for Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan, na hanggang ngayon ay hindi pa nababasahan ng sakdal o humarap sa arraignment.

    Ang tanong, kailangan kaya makakamit ang hustisya?

    Bukod pa sa mga nabanggit, may mga kaugnay pang kasong kriminal ang naisampa tulad ng arson at murder, frustrated at attempted murder, malversation, illegal possession of firearms, habeas corpus, numerous certiorari, disbarment, at contempt.

    Subalit napag-alaman na kahit isa sa mga nabanggit na kaso ay wala pang umusad.

    Sa isang banda, nagkakaroon ng puwang ang pagsagawa ng krimen kapag nagkakaroon ng pagkukulang sa law enforcement, sa scene of the crime operations, at sa ating witness protection program. Marami dahilan kung bakit inip na inip na ang mga naulila ng mga biktima.

     Kaugnay ng kampanya laban sa impunidad, hiniling ko sa aking mga kasama sa Kongreso sa pamamagitan ng House Resolution 1932 na suportahan ang pagdaos ng International Day to End Impunity.

    Nakasaad sa resolusyon: “The failure to solve all but a pitiful handful of these murders and to enforce existing laws intended to protect and promote human rights has bred a culture of impunity that has emboldened those who would silence free expression.”

    Sa aking panawagan, binibigyang diin natin na ang impunidad ay hindi magwawagi sa mga pook na may katahimikan at kaayusan at ang komunidad ay may pagsunod sa batas. Dito malayang naisasagawa ng mga mamamayan ang kani-kanilang mga hangarin at gawain kung saan nagiging tuloy tuloy ang pagsulong ng komersyo, kalakalan, at kaunlaran.

    Tumulong sa pagpapalaganap ng kaayusan at katahimikan sa ating komunidad, at idulog sa mga otoridad ang anumang kalabisan na nagaganap sa ating kapaligiran,lalo na kung tayo na ang mga nagiging biktima.

    Panahon na upang iwaksi ang impunity nang hindi na maulit ang isa pang Maguindanao Massacre.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here