Isyu ng Droga sa DOJ at PDEA tapusin na

    438
    0
    SHARE

    Kung totoo itong ngayon ay maugong
    Na isyu hinggil sa limang Prosecutor
    Na diumano’y sangkot sa kung ilang milyong
    Suhulan ay di lang ‘force leave’ o bakasyon

    Ang dapat iutos ng ating Pangulo,
    Kundi ‘hold departure’, upang masiguro
    Ng lahat, lalo na ng ating Husgado
    Na haharapin n’yan ang kanilang kaso;

    Yan ay kung sakaling ang ating Ombudsman
    Ay may masilip na ebidensya laban
    Sa kung sinong dapat maimbestigahan
    Hinggil sa isyu ng matinding suhulan.

    Na hinihinalang nakatanggap ng ‘tong’
    Mula sa suspek na anila’y ‘in millions’
    Ang iniabot sa isang Prosecutor,
    Kasama pati na ang rin ang ‘Information’?

    O ang ‘Resolution’ na ginawa mismo
    Nitong abogado na rin diumano,
    Ng mga suspek na kasangkot sa kaso
    Ng illegal drug na salot nitong mundo! 

    Kaya lang tulad n’yang pinagbabakasyon
    Ng ating Pangulo itong Prosecutors
    Na hinihinalang sangkot sa ganoon,
    Ay umalma sila’t nagkaisa ngayon;

    Upang iprotesta kay Pangulong Gloria
    Na di lamang sila itong marapat na
    Mag-‘leave of absence’ sa tanggapan po nila,
    Kundi pati na rin ang taga PDEA.

    Pagkat tunay namang anila’y di patas
    Kung sila lang itong atasan at sukat
    Ng Pangulo upang gawin ang marapat
    Sa ganyang sangkot ang kanilang dignidad.

    Kung saan ika nga ay talaga namang
    Nakasusulasok sa mata ng tanan
    Ang madawit sa isang kasong tulad po nyan
    Na isinusuka ng ating lipunan.
     
    Di ba’t tunay naman ding kahiyahiya
    Ang kahit man lang sa ngalan ng hinala
    Ay maging tampulan sa siste ng madla
    Na ang isang Piskal sa ‘tong’ ay sugapa?

    At kung alin itong dapat kumastigo
    Sa mga kriminal ay siya pa po mismo
    Itong kunsintidor sa mata ng tao,
    Yan sa ganang akin malaking insulto!

    Para sa kabaro nila sa propesyon
    Na talaga naman din pong ‘honorable’
    At di basta na lamang din uma-aksyon
    Ng kung anong bagay na ‘undesirable’!

    Pero kung tulad n’yang may mga opisyal
    Umanong sangkot sa ganitong suhulan,
    Gasino pa kayang di rin po bumigay
    Ang taga PDEA sa estilong ganyan?

    Kaya kung kami po itong tatanungin
    Hinggil sa isyung yang tinalakay natin,
    Ay makabubuting pati PDEA rin
    Ay isama na sa marapat kwestyunin!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here