Iseminar muna dapat bago nila isabak

    380
    0
    SHARE
    Di ko ninanais ipahamak itong
    Kawani ng water district sa San Simon,
    Na gumagawa at naglilista nitong
    Gamit na kailangan sa pag-instilasyon

    Kundi bagkus ninanais lamang nating
    Maituwid itong palpak na gawain
    Ng ilang service crew, na di na po natin,
    Iisa-isahin pang sila’y tutukuyin.

    Ang serbisyo nila’y medyo ayos naman
    At di nanghihingi ng kahit anuman,
    Kaya lang gaya ng una kong tinuran
    Ang ilan ay tila mayrung kahinaan;

    Na tunay naman ding nakaka-irita
    Sa ilang applicant para magkalinya,
    Bunsod ng aywan kung nag-iisip muna
    Bago magpabili ng kailangang pyesa;

    Kung saan gaya ng nangyari kailan lang
    Sa taga Salusu, kay Mrs. Pagaduan,
    Aba’y sukat po bang nagpabili po yan
    Ng ubod karami gayong di kailangan?

    At kung may nagamit man sa pinabili
    Ay Teflon lang yata’t solvent sa PVC,
    Kaya’t nagkagastos ito ng malaki
    Sa di akalain nitong mangyayari!

    (At kung saan bago po nitong nakuhang
    Bilhing lahat itong inilista nilang
    Iba’t-ibang gamit ay inabot ng buwan,
    At ang pinambili ay inutang lamang.)

    Di lang iilan ang naringgan na natin
    Na nakaranas na’t nasabi sa ‘tin,
    Ang kagaya nitong ginawa kay Aming
    O kay Ms. Pagaduan ng ‘anak ng teteng’

    Di po hangarin ng inyong abang lingkod
    Na suspindihin o ipatanggal lubos
    Ang mga kawaning ating itinampok
    Kundi ang intensyon natin maipa-abot

    Sa management o sa kinauukulang
    Ahensyang marapat tumingin sa ganyan,
    Nang sa gayo’y ating maituwid naman
    Ang tila wala sa tamang kalakaran.

    Di ko sinasabing mga bobo’t tanga
    Ang service crew nitong inyong opisina,
    Pero sana naman huwag tayong kumuha
    Nitong wala namang ‘experience’ talaga.

    Nang sa gayon ay di ang consumer natin
    Ang napeperwisyo’t nagdurusa mandin
    Sa kapalpakan ng ating ‘magagaling’
    Na tuberong aywan kung saan nag-training?  

    Alam ba ‘nyong bunsod ng kawalang-alam
    Nitong ating mga kawaning naturan,
    Ay posibleng di lang kakaunti kabayan
    Ang maari pa ngang maging biktima n’yan?

    Sa pagpapabili ng kung anong gamit
    Na di rin naman po pala magagamit;
    Na kagaya nga po ng ating nabanggit,
    Dala ng posibleng di muna inisip

    Kung anong posibleng epekto ng ganyan
    Partikular na sa hirap po sa buhay; 
    Na bago magawang magpakonekta n’yan
    Ay bumilang muna ng araw at buwan?
    (At bandang huli ay itatago lamang
    Nito ang gamit na di pala kailangan?)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here