Isang bayan na sumakay sa kabutihan ng kalabaw

    621
    0
    SHARE

    Napunta ako sa bayan ng San Agustin, sa Isabela. Mga limang oras ang naging biyahe mula sa Nueva Ecija na aking pinanggalingan. Sa tingin ko, sulit naman ang aking naging biyahe at pamamalagi ng apat na araw sa San Agustin na kasama ang mga eksperto sa hayop mula sa Nueva Ecija at Cagayan kahit na nga isang 4th class na bayan ang aking nakita.

    Noon lamang 1950 naging bayan ang San Agustin. Inihiwalay lamang ang 16 na mga baryo (barangay ang tawag ngayon) sa bayan ng Jones at ginawa ngang isang bayan. Nasa katimugang bahagi ng Isabela, ito’y nakahangga sa mga prubinsya ng Quirino at Aurora at nasa paanan halos ng Sierra Madre Mountain range. Nasa 23,000 lamang ang populasyon nito na halos lahat ay Ilocano.

    Ang  lupain ng San Agustin ay 17,000 ektarya na ang 9,000 ektarya ay gamit sa pagmamaisan, papalaya, sagingan, gulayan at iba pang mga produkto. Ang maisan ay 4,000 ektarya lang at sa palayan ay 2,500 ektarya. Saging na saba ang karaniwang tanim na ang mga bunga naman ay binibili ng mga negosyante mula sa ibang lugar.

    Ang annual appropriation  ngayong taong ito ng San Agustin ay P39.175 milyon na may karagdagang P2.700 milyon  para sa economic enterprise. Mga P4 na milyon lang sa budget na ito ay mula sa kita ng San Agustin at ang iba ay galing sa Inernal Revenue Allotment (IRA).

    Sa kabayanan ng San Agustin, hindi naman impresibo ang gusali ng pamahalaang pambayan at palengke. Wala ring maraming establisamiento at karaniwan ang laki ng mga bahay. Sa unang tingin, isang “tulog” na bayan ang San Agustin kumpara sa maraming bayan sa Central Luzon.

    Pero, napunta nga ako sa San Agustin at naglibot sa mga barangay nito. Ano ba ang mayroon sa San Agustin para puntahan?

    Mayroong isang bagay, sa tingin ko’y isang malaking bagay, na dapat puntahan, tingnan, pag-aralan, at kung maaari ay gayahin sa San Agustin.




    Sa San Agustin ay maraming “crossbreed carabao” ngayon.Mahigit sa 1,000. Wala pang ibang bayan sa Pilipinas na nagkaroon ng ganito karaming “crossbreed carabao”. Kung mayroon mang ibang  bayan na maraming kalabaw, tiyak na karamihan sa kanila ay “native carabao”.

    Pero ang karamihan sa “native carabao” ay maliliit. Ang karaniwang timbang nila ay 350 kilogramo lamang. Ibang-iba, sa biglang tingin, ang mga “crossbred carabao” sa San Agustin.

    Ang mga “crossbreed carabao” sa San Agustin ay tumitimbang ng mahigit sa 550 kilogramo ang isa. Mayroon pang ang mga timbang, yaong mga lalake,  na umaabot na  sa 700 kg ang timbang o higit pa. E, ano ang kabutihan ng pagkakaroon ng maraming “crossbreed carabao”?, maitatanong ninyo. Aba, sa isang bayang katulad ng San Agustin, malaking bagay ito. Sa tingin ko, “sinasakyan” ngayon ng bayan ng San Agustin ang mga “crossbreed carabao” para sa kabutihan at kaunlarang siyang madalas na hinahanap ng  mga opisyal para sa kanilang bayan o siyudad at para sa mga mamamayan.

    At alam ninyo, apat na taon na ngayong nagdaraos tuwing Setyembre 28 ng “Nuang Festival” ang San Agustin. Sa “festival” na ito, siyempre pa, ay tampok ang malalaki at maiitim na mga “crossbred carabao” sa parada. May paligsahan pa para piliin ang mga “pinaka” – Pinakamalaking Lalaking Kalabaw, Pinakamalakas na Gatasang Kalabaw, Pinakamagandang Dumalagang Kalabaw, Pinakamatalinong Kalabaw at  iba pa.

    Nakatutuwa na maraming “crossbreed carabao” ang tinuturuang lumuhod. Hindi naman ibig sabihin ay ginagawa nilang relihiyoso o relihiyosa ang kanilang mga kalabaw. Kaya pala nila pinaluluhod ang kanilang kalabaw ay para madali nilang masakyan ang mga ito.



    Nagsimula ang carabao upgrading (CUP) program sa San Agustin noong 1993. Tanging ang San Agustin sa maraming bayan sa Isabela ang rumesponde ng husto para sa CUP. Noon kasi ay pinalalaganap ang National Artificial Insemination Program para sa kalabaw at baka. Sa ipinatawag na meeting sa mga municipal agriculturists para ipaliwanag ang CUP, ang municipal agriculturists ng San Agustin na si G. Julio Lamug ay natiyak agad na akma sa kanilang bayan ang CUP. Sumang-ayon ang noo’y mayor ng San Agustin na si Jesus Silorio Sr. at naglaan agad ng P25,000 para sa gastusin at kailangang mga gamit ng mga technician na pupunta sa kanilang bayan para sa artificial insemination ng kalabaw.

    Iyong mga magsasaka siyempre ay atubili, at sinabing “Diyak kita, diyak pati” o hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang resulta o kaya nama’y “baka masira lang ang aking kalabaw”. Dalawampu’t apat lang sa 107 kalabaw na nalagyan ng artificial insemination at sampu ang nabuntis at nanganak.Iba kasi sa kalabaw, mabagal at mahirap ang pagpaparami sa kanila na di tulad ng ibang hayop.
    Nang makita ng ibang magsasaka ang mga bulo (ipinanganak na kalabaw), nagulat sila at nainggit tuloy. Malalaki at magaganda ang nakita nilang bulo kaysa sa bulo ng native carabao. At iyon na, taun-taon, tuwing Oktubre, nagkakaroon ng gawaing artificial insemination sa San Agustin. Ang mga semilya ay mula sa lalaking Murrah buffaloe, nakalagay sa munting plastic straw, at kinukuha pa ng mga technician mula naman sa Philippine Carabao Center sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

    Ngayon, mahigit ng 1,000 ang naipanganak na crossbred sa San Agustin. Ang ibig ni Mayor Virgilio Padilla ay paabutin sa 3,000 hanggang 4,000. Marami sila kasing nakikitang kabutihan sa crossbred: malalaki at malalakas ang mga ito at mahusay na pantrabaho sa bukid, ang mga inahin ay nakapagbibigay ng apat hanggang anim na litro ng gatas, o higit pa araw-araw, at kung ibebenta ay halos P70,000 hanggang P80 ang isa.

    Inuumpisahan na ngayon sa San Agustin ang malawakang paggagatas ng kalabaw at pagbebenta nito. Isipin mo nga naman ang buti nito sa mga may-ari ng gatasang kalabaw. Sa apat na lang na litro ng makukuhang gatas sa isang araw sa isang kalabaw, mayroon nang mapagbebentahan na P140 hanggang P160 sa isang araw. E, kung ang gatasan ng isang magsasaka ay dalawa o tatlo, at ang makukuhang gatas ay mahigit sa anim na litro isang araw, aba malaking kita na iyon. At araw-araw pa hangga’t hindi inaawat ang bulo.
    Balak din sa San Agustin ang paglalagay ng meat processing center. Pagbebenta naman ng karne ng kalabaw ang target nila. Balak din nilang umpisahan ang negosyo na may kinalaman sa balat o katad at mga sungay ng kalabaw.

    At ito pa, sabi ni Mayor Padilla, sinisikap nila ngayong madeklara ang San Agustin bilang “carabao crossbred capital ng Pilipinas”.




    Malayo ang bayan ng San Agustin. Isa itong bayang mahirap. Nguni’t nagkaisa sila para sa isang magandang proyekto na makatutulong sa bayan at sa mga mamamayan. Ang nagdaang mga mayor hanggang sa kasalukuyang mayor ay ipinagpatuloy ang program at hindi inintindi kung ito man ay itinaguyod ng sinundang kalabang mayor. Matindi rin ang tulong ng mga technician at opisyales ng PCC, Regional Field Unit ng Department of Agriculture sa Region 02, Department of Labor and Employment, Department of Science and Technology, provincial government ng Isabela sa pangunguna ni Gov. Grace Padaca at ng kanyang mga tauhan sa provincial veterinary office, at maraming iba pa. Kasi nakita nila ang sigasig ng mga opisyal ng San Agustin at ng mga magsasaka mismo sa pagyakap sa CUP. Iyang pagtulong naman kasi, kapag pursigido ang tinutulungan at tuwang-tuwa, masarap na tulungan.

    Mapag-aaralan ang eksperinsya ng San Agustin sa pagtataguyod ng katulad na programa sa atin-ating mga lugar.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here