KUNG ating matamang tapunan ng pansin
itong ni hindi pa nag-‘two months’ ang ating
butihing pangulo sa takdang tungkulin,
mayrun nang sa puesto niya pumapapel?
Partikular d’yan sa SRA kung saan
nangahas ipirma ang kanyang pangalan
para umangkat ng ‘metric tons of sugar’
nang walang basbas ang nasa Malakanyang.
Aba’y di pa halos uminit kumbaga
ang ‘ass’ ni Pangulo sa pagka-upo niya
sa ‘Palacio Real’ hinakbangan na siya
ng mga katulad nina Serfica
At iba pang sa kanya nakapaligid
na inaasahang magiging matuwid
at handang maglingkod ng tapat – subalit
kabaligtaran ng marapat manaig.
Gaya ng akala nati’y walang sapat
na pondo riyan ng asukal at bigas,
pero sa totoo lang minsan maling ulat
itong sa ‘mainstream media’ lumalabas.
Natuklasan itong tambak hanggang bubong
na ‘tons of sugar’ na itinago nitong
‘hoarders’ na sila ring sa ‘Bureau of Custom’
may mga kasabuwat na buwayang gutom.
Kaya kung kami riyang mga mamahayag
na di ‘for sale’ ang siyang sa baho umungkat
ng katotohanan, higit na di hamak
ang sa ‘Bureau of Customs’ busog sa ‘pastillas’.
Sa anong paraan itong ‘smuggled goods’
diyan sa Aduana ‘instantly’ ay pasok?
Mga ‘commissioners’ ang makasasagot
kung alin sa hanay n’yan itong sangkot.
Mga ‘importers’ na galanteng magbayad
ng ‘tong’ at saka riyan nitong tinatawag
nilang sa Custom ay bigay na ‘padulas’
mapapabilis ang pagkita ng limpak.
At upang madala itong mga ‘hoarders’
nitong pangunahing mga ‘necessities’
natin na tulad ng ‘sugar, imported rice,’
kumpiskain na riyan ng ating ‘government’.
Upang madala at tuluyang itakwil
itong illegal na kanilang gawain,
na buwayang kati ang nagpauso rin
kaya ang lahat na kayang madaliin.
At itong sinumang diyan magkasala
na kagaya riyan ng isang Serafica
diyan sa SRA, at ibang sangkot pa
sa anomalya riyan, pagtatadyakan na!
Nang di pamarisan ng ibang opisyal
na sa kislap lang ng puwit ng baso riyan
madaling masilaw, kaya taongbayan
ang sa bandang huli ang nagugulangan.
At upang tuluyang mabihisang ganap
ang ating gobyerno ng mga matapat
at di mandarambong – sipain na dapat
ang lahat ng ‘on board’ na angkan ni Hudas!