Patuloy na nagpapakawala ng tubig ang Bustos Dam. Kuha ni Rommel Ramos
BUSTOS, Bulacan — Nagpapakawala ng tubig ang Ipo at Bustos dam kasunod ng pag-ulan na dala ng bagyong Pepito.
Ayon sa PDRRMO, mula alas-10 ng Martes ng gabi ay nagpakawala ang Ipo Dam ng 69.95cms at nitong alas-9 ng umaga ng Miyerkules ay ibinaba ang pagpapakawala nito sa 36.4cms.
Ayon sa talaan, ang water level ng Miyerkules ng umaga ay 101.07meters mula sa spilling level nito na 101 meters.
Kaugnay nito ay nagpakawala rin ng tubig ang Bustos Dam kaninang alas-3 ng madaling araw hanggang alas-siete ng umaga ng 500cms.
Ayon sa dam operator na si Edgardo Cruz, sa Bustos Dam ang baba ng tubig na pinakawalan ng Ipo Dam kaya’t kailangan nila na magpakawala ng tubig.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagpapakawala ng Bustos Dam ng 106.5cms.
Ang water level ng Bustos Dam alas-onse ng umaga ng Miyerkules ay nasa 16.63meters.
Samantala, bahagya namang umaangat ang water level sa Angat Dam.
Nitong alas-onse ng umaga ng Miyerkules, ang reserbang tubig dito ay nasa 190.65meters habang noong Martes ay 189.52meters at nitong Lunes ay 189.08meters.
Nanatiling normal ang water level sa Angat Dam mula sa 210 meters spilling level nito.