LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinarangalan ng Board of Investments (BOI) ng Gawad Bayanihan sa Pamumuhunan ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.
Ito’y bilang pagkilala sa programang Invest Bulacan Plus na ipinatupad ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office.
Ayon kay BOI-Investments Assistance Centre Executive Director Bobby Fondevilla, naging mainam ang bentahe ng Bulacan sa paghikayat ng pamumuhunan partikular sa larangan ng renewable energy dahil sa pagsasakatuparan ng mga imprastrakturang mangangailangan ng malaking kapasidad ng kuryente.
Halimbawa na rito ang nakatakdang pagsisimula ng inisyal na operasyon ng North-South Commuter Railway Phases 1 at 2 sa 2027, Metro Rail Transit Line 7 sa 2028, at ang New Manila International Airport sa 2028.
Iba pa rito ang pagsisimula na maitayo at mabuksan ang bagong Bulacan Special Economic Zone and Freeport sa bisa ng Republic Act 11999 na pamamahalaan ng Philippine Economic Zone Authority, Bulacan Mega City ng pamahalaang panlalawigan, at ang Northwind ng Megaworld Corporation.
Bukod sa pagsusuplay ng kailangang kuryente ng mga industriya, ang mismong mga planta ng kuryente ay ibinibilang na pamumuhunan na rin sa Bulacan.
Pinakamalaki rito ang Terra Solar Project na nagtatayo ngayon ng mga solar panels na kayang gumawa ng 3,500 megawatts na kuryente at mayroon pang 4,000 megawatt-hour na energy storage system.
Sa laki ng solar project na ito, matatagpuan ito sa malaking bahagi ng hilaga ng Bulacan at katimugan ng Nueva Ecija.
Aabot sa P200 bilyon ang halaga ng pamumuhunan na inilagak dito kung saan P34 bilyon o US$600 milyon na sinosyo ng British-firm na Actis.
Ayon sa tala ng BOI, sa loob ng nasabing halaga, P185.2 bilyon ang inilagak na pamumuhunan sa Bulacan section nitong Terra Solar Project. Tinatayang nasa 4,165 na mga bagong trabaho ang nabuksan dahil dito.
Mayroon pang hiwalay na P157.26 milyon na pamumuhunan sa isa pang solar project na inilagay ng Berde Rooftop Inc., sa ibabaw ng bubungan ng Holcim Bulacan na nasa Norzagaray.
Magsusuplay ito ng 3,422 megawatt per hour at 2,900 na kuryente na nagbigay ng trabaho sa siyam na indibidwal.
Binigyang diin pa ni De Vera na bukod sa matitiyak nito ang suplay ng kuryente sa mga railways at airport projects, makakatulong din ito para sa kailangang kuryente ng mga paparating na mga kabahayan sa hinaharap.
Halimbawa na rito ang panibagong P1.9 bilyon na halaga ng pamumuhunan mula sa limang real estate projects na inaprubahan ng BOI ngayong 2024.
Kabilang dito ang P538.7 milyon na Seriya economic housing project ng Ovialand Inc., P497.9 milyon na Casa Segovia Phases 1A and 1B, P385.2 milyon na Villa Marcela Homes ng Cumberland Development Corporation kung saan may 20 porsyento na sosyo ang mga mamumuhunan mula sa China, P322.3 milyon na Pagsibol Village-West ng Raemulan Lands Inc., at ang P229.8 milyon na Saffron Hills Phase 2 ng The New APEC Development Corporation.
Makikinabang din sa karagdagang suplay ng kuryente ang mga bagong pamumuhunan sa larangan ng manufacturing na aabot sa halos P500 milyon.
Nakapaloob dito ang P323.07 milyon na gawaan ng Extruded Full Fat Soya ng Seastemas International Inc., P160.67 milyon na pabrika ng motorsiklo ng Otobai Motorcycle Assembly OPC at P13.91 milyon na gumagawa ng Specialty Architectural Metal & Metal Sculpture Fabrications at garments kung saan may sosyo ang isang mamumuhunan mula sa British Virgin Island.
Iba pa rito ang pamumuhunan na nagkakahalaga ng P875 milyon para sa plantasyon ng matataas na kalidad na mga gulay sa San Rafael na inilagak ng Metro Pacific Fresh Farms Inc at may kasosyo na mga mamumuhunan mula sa Israel.
May inisyal na 72 na mga manggagawa ang napasok dahil sa nasabing pamumuhunan sa industriya ng agribusiness.
Kaugnay nito, aabot sa 4,512 o higit pang mga bagong trabaho ang bubuksan para sa mga Bulakenyo dahil sa nasabing bagong pamumuhunan.
Para kay Gobernador Daniel Fernando, patunay ito na epektibo ang mga polisiyang ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan sa mga polisiyang pang-industriya, pangkalakalan at pantrabaho.
Magdadala aniya ito sa katuparan na ang Bulacan ay magiging “First World Province” sa susunod na mga dekada. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)