Home Headlines Interoperability ng tradisyunal, makabagong flood forecasting, warning sa Angat Dam tiniyak

Interoperability ng tradisyunal, makabagong flood forecasting, warning sa Angat Dam tiniyak

427
0
SHARE

NORZAGARAY, Bulacan (PIA) — Tiniyak ng National Power Corporation (NAPOCOR) ang epektibong interoperability ng tradisyunal at makabagong flood forecasting at warning system sa Angat Dam na nasa Norzagaray, Bulacan.

Bilang bahagi ng patuloy na mga paghahanda sa La Niña, iprinisinta ni NAPOCOR Principal Engineer A Lawrence David Nipales sa mga opisyal ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na patuloy na napapangalagaan ang analog na flood forecasting at warning system na naikabit pa rito mula noong 1985.

Para kay PDRRMO Head Manuel Lukban, malaking bagay ang interoperability ng sinauna at makabagong dam safety management upang matiyak na makakarating ang tamang impormasyon sa lahat ng sektor sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan.

Makikita sa larawan ang makabagong flood forecasting at warning system na naitayo sa tulong ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na bahagi ng Angat Dam and Dyke Strengthening Project Package 2. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Binigyang diin niya na sa kabila ng panahon ng makabagong teknolohiya, marami pa ring mamamayan ang umaasa sa tradisyunal na pamamaraan.

Sinasabayan ang naturang analog ng kasangkapan ng mga makabagong Instrumentation for Flood Forecasting and Warning System for Dam Operations.

Naipagawa ito mula 2016 hanggang 2018 bilang bahagi ng Package 2 ng Angat Dam and Dyke Strengthening Project.

Pinondohan ito ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa halagang P237 milyon.

Fully-computerized ang mga kasangkapan kung saan sentro nito ang weather satellite, meteorological radar workstation, at digital flood forecasting system.

Binabantayan dito ang araw-araw na lagay ng panahon at pagtataya kung gaano karami ang dami ng ulan na ibinubuhos sa Angat Dam gayundin kung hanggang saang lebel ng tubig aabot ito.

Katabi nito ang Flow Metering and Spillway Gates Control na sumusukat sa tuwing nagpapakawala ng tubig ang Angat Dam.

Bago magpakawala, nauuna munang maglabas ng abiso ang bagong flood warning system.

Matatagpuan ito sa bagong ikalawang palapag ng NAPOCOR Flood Forecasting and Warning System for Dam Operations.

Ipinatong ito sa naunang istraktura kung saan naipreserba ang analog flood forecasting and warning system.

Buo at gumagana ang nasabing analog na mga kasangkapan na gumagamit pa ng cassette tapes na nairecord noon pang dekada 80.

Ito ang nagpapadala ng mensahe sa pamamagitan ng radyo at noo’y mga municipal disaster coordinating council, na ngayo’y Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ng mga bayan na nagbabantay sa mga tabing ilog na dadaanan ng tubig sa tuwing nagpapakawala ang dam.

Pangunahing nilalaman ng cassette tape kung anong oras tinatayang dadating sa partikular na bahagi ng ilog Angat na bayan ang tubig na pinakawalan.

Hanggang ngayon ay tugma pa rin ang mga forecasting na nagiging batayan din ng PDRRMO upang maglabas ng mga situational reports sa media, mga pamahalaang lokal at pamahalaang nasyonal.

Ito ang 49 taong gulang na analog flood forecasting at warning system ng National Power Corporation (NAPOCOR) na nasa Hilltop ng Angat Dam Watershed sa Norzagaray, Bulacan. Patuloy pa itong pinapangalagaan ng NAPOCOR at gumagana kasabay ng makabagong flood forecasting at warning system na naipagawa sa tulong ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa ilalim ng Angat Dam and Dyke Strengthening Project Package 2. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Patunay dito ang pananatili ng dam release propagation time mula noon at sa paglipas ng panahon.

Nakalista rito kung anong oras dadating ang tubig na pinakawalan mula sa Angat Dam sa mga bayan na dinadaanan ng karugtong nitong ilog Angat.

Halimbawa, aabot sa dalawang oras at 15-30 minuto ang dating ng tubig sa Padling at Matictic sa Norzagaray na 28 kilometro ang layo mula sa Angat Dam.

Sa Angat, makakarating ang tubig ng dam partikular sa Barangay Binagbag at Donacion sa loob ng tatlo hanggang apat na oras at 50 minuto habang ang Barangay Maronquillo sa San Rafael ay nakapaloob din sa mga oras na ito.

Limang oras naman at 30 hanggang 45 minuto ang pagdating ng tubig sa Barangay Bonga Mayor sa Bustos.

Sa lungsod ng Baliwag, inaasahan na dadaloy ang tubig mula sa Angat Dam mula sa Barangay Sabang at Sta. Barbara sa loob ng anim na oras at 30 minuto.

Ang mga taga Pulilan at Plaridel, partikular sa mga Barangay ng Bintog at Tibag ay mahihintay ang pagdating ng tubig mula pitong oras hanggang siyam na oras mula nang nagpakawala ang dam.

Samantala, ang dalawang sistemang ito ng dam management ay ang mananatiling batayan ng PDRRMO upang tuwirang makapagbigay ng pabatid sa mga MDRRMO at mga kasapi ng media.

Inabisuhan naman ni Lukban ang mga karaniwang mamamayan na huwag maniniwala sakaling may lumabas na mga bali-balita na nagpakawala ng tubig ang Angat Dam, maliban kung ito’y mula mismo sa NAPOCOR, PDRRMO at mga MDRRMO.

Ito’y upang hindi magdulot ng labis na mga pangamba, takot at alinlangan sa mga karaniwang mga mamamayan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here