MARAMI itong sa akin nagtatanong
kung bakit hindi raw kasama ang seniors
o ‘elder citizens’ sa nabigyan nitong
ayudang ang tawag ay ‘amelioration’.
Sabi ko di ko rin gaanong masakyan
kung tama o hindi itong pamantayan
na pinatutupad ng pamahalaan
sa pamumumod ng bagay na naturan.
Isa sa kat’wiran na sa ganang akin
ay kapalpakan ng namumuno sa ‘tin,
ang akala yata, pera noong ‘peacetime’
ang Php 500.00 sa panahon natin.
Oo, noong bago magka-‘World War II’
ang kinyentos pesos halos ‘fifty thousand’
na ang kantidad ng salaping naturan,
pero sa panahon ito barya na lang.
At ‘yan halos wala pa ngang beinte pesos
sa isang araw ang katumbas n’yan halos,
kundi ng ‘more or less’ ay Php 17.00
nga lang ang katapat ng arawang sahod.
Malaki na ba ang ganitong halaga
para maging ‘monthly pension’ o ayuda
sa mga seniors na ni pambili nila
ng gamot sa lagnat ay hindi kakasya?
Di ko sinasabing bobo ang may-akda
ng naging pension ng mga matatanda,
pero di naisip ng lahat na yata
na pambili lang ‘yan ng kendi ng bata?
Na masasabi nga nating ya’y direktang
Insulto kundi man pagyurak sa dangal
nitong mga seniors na pinagkaitan
nilang mabigyan ng tulong na pinansyal.
Pero pagdating sa para sa kanila
ay halos masimot ang pambansang kaha,
gaya sa ‘pork barrel’ at anu-ano pa,
na isinisingit n’yan sa badyet, di ba?
Di ba magawa na kahit 2k man lang
maibahagi ng kinauukulan
sa ‘ting mga seniors sa pamamagitan
ng pagbawas n’yan sa kanilang ‘allowance’?
Sana, kahit man lang ang bigay sa 4 P’s,
‘solo parents,’ ganyan din naman kapatid
ang ibigay sa’tin ng Congress at Senate,
na papayagan tiyak ng ating president.
Naisulat ko ang bagay na naturan
nang dahil na rin abang kalagayan
ng nakararaming ni pambili man lang
ng gamot ay wala sila kadalasan.
Samantalang hayan, kita ng marami
kung gaano pala ubod d’yan ng laki
ang salaping pinalabas ni Duterte
sa kaban, na muntik nang nasimot pati.
Sanhi ng ‘virus’ na dito nanalasa,
na libu-libo ng buhay na nawala,
liban sa ekonomiya na sinalanta
nitong pandemic na dumapo sa bansa..
Na di lang milyones kundi bilyones na,
kaya nga kung di lang nakukupit tuwina
ang pera ng bayan – kahit 5k pala
ang para sa seniors, ‘chicken feed’ lang di ba?!