Home Headlines Inobasyon ng 50 Bulakenya Womenpreneurs ibinida

Inobasyon ng 50 Bulakenya Womenpreneurs ibinida

362
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tampok sa binuksang Womenpreneur Trade Fair ang inobasyon na ginagawa ng nasa 50 Bulakenyang mangangalakal sa kani-kanilang mga produkto.

Magkasama itong inorganisa ng Provincial Cooperatives and Enterprise Development Office (PCEDO) at Provincial Agriculture Office (PAO) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan.

Sinabi ni PCEDO Head Jayric Amil na pinagsama-sama sa Womenpreneur Trade Fair na ito ang tatlong programa na sumusuporta sa kabuhayan ng mga kababaihan tulad ng Kadiwa ng Pangulo ng Department of Agriculture (DA); at  One Town, One Product (OTOP) at Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry (DTI).

Hinikayat naman ni DA Regional Field Office III Agribusiness and Marketing Assistance Division Officer-in-Charge Chief Maricel Dullas ang mga lumahok sa Kadiwa ng Pangulo na mas paigtingin ang pagsunod sa Good Agricultural Practices at magtamo ng rehistrasyon sa Food and Drug Administration (FDA).

Ito’y upang makapagpasok ng mga hilaw na produktong agricultural at agribusiness products sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng mga umiiral na Free Trade Agreements tulad ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement at sa Regional Comprehensive Economic Partnership.

Kabilang sa mga natukoy na innovative agribusiness products na lumahok sa Kadiwa ng Pangulo na may potensiyal na mai-export ay ang Atsarang Papaya at Dampalit ng Obando, ang Sukang Paombong mula sa Sasa at ang Kimchitopia.

Tampok sa ginaganap na Womenpreneur Trade Fair sa Pasalubong Center sa lungsod ng Malolos ang pamosong Sukang Paombong. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Pag-aari ni Elena Lazaro ang Ely’s Grille na gumagawa nitong atsara mula sa kinayas na Papaya at Dampalit.

Isang gumagapang na damo ang Dampalit sa mga pilapil ng mga palaisdaan ng Obando.

Mas ginawang pino ang isinangkap na Papaya na mainam na terno sa pagkain ng mga inihaw na karne.

Likha naman ng magkaklaseng sina Dina Aduana at Melody Lumontao ng Bulacan State University–Bustos Campus ang Kimchitopia na nilikha bilang bahagi ng kanilang thesis research.

Kung ang Kimchi na pagkain ng mga Koreano ay isang Napa Cabbage o kilala bilang Pechay Baguio ay binalutan ng maanghang na sarsa, isang standalone snack o chips na may mga flavors na cheese at chili ang Kimchitopia.

Aabot sa 30 mga Bulakenyang magsasaka ang nagtinda ng kani-kanilang mga ani at likhang agribusiness products.

Target ng DA na lalo pa silang matulungan upang mas mapahaba pa ang shelf life nito sa pamamagitan ng packaging na papasa sa FDA.

Iba pa rito ang paglalapat ng patok na labeling.

Para naman kay PAO Head Gloria Carillo, patunay ito sa mataas na pagpapahalaga sa mga babaeng magsasaka na matagumpay na nakakapag-ani ng magagandang kalidad na gulay, prutas, yamang dagat at nakakagawa ng mga agribusiness products sa kabila ng mga hamon sa pagsasaka.

Kaugnay nito, nandito rin ang nasa 13 Bulakenyang micro, small and medium enterprises na pawang pumasa ang mga produkto sa pamantayan OTOP ng DTI.

Gayundin ang pitong womenpreneurs na nag-alok ng mga dekalidad ngunit abot-kayang produkto sa ilalim ng Diskwento Caravan ng ahensya.

Samantala, ipinahayag ni Bise Gobernador Alexis Castro na patunay ang trade fair na ito na nasa mabuting kamay ang isang negosyo kung pinangangasiwaan ng mga babae.

Mapalad aniya ang Bulacan at ang Pilipinas sa kabuuan dahil mataas ang pagpapahalaga sa karapatan at kakayahan ng mga kababaihan.

Patuloy na mabibili ang mga produktong ito sa Pasalubong Center-OTOP Hub Building na nasa bakuran ng Kapitolyo sa buong durasyon ng Pambansang Buwan ng Kababaihan. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here