ING Bank namahagi ng 590 orange bikes

    372
    0
    SHARE

    Tinanggap na ng mga piling mag-aaral ng Taugtog National High School sa Botolan, Zambales ang mga orange bikes na ipinamahagi ng ING Bank sa ginawang 2nd ING Orange Bike Launching na ginanap sa Cabangan Sports Center.

    KUHA NI JOHNNY R. REBLANDO

    CABANGAN, Zambales- Ipinamahagi ng International Netherlands Group (ING) Bank) sa pamamagitan ng World Vision ang may 590 na orange bike sa mga piling estudyante ng Cabangan at Botolan National High School, pawang sa lalawigan ng Zambales.

    Layunin nito na matulungan ang mga mag-aaral na nakatira sa malalayong lugar na naglalakad ng halos kalahating oras bago makarating ng paaralan at sa pamamagitan ng pagbibisiklita ay hindi na ito mahihirapan pa at makakapasok sa takdang oras ng klase.

    Target ng ING Bank na makapagbigay ng may 5,000 bike sa loob ng limang taon na siyang magagamit ng mga mag-aaral hindi lamang sa Zambales kundi sa buong bansa. Nauna nang namigay ang ING Bank ng may 602 na bikes sa dalawang eskwelahan sa Isabela noong 2013, kung saan karamihan sa mga nabigyang estudyante ay naglalakad ng may halos isang oras bago marating ang eskwelahan.

    Ayon kay Catherine Low, country manager, ING Bank, Singapore Branch na sa pamamagitan ng bisikleta ay wala nang mahuhuling estudyante sa klase at ma-increase pa ang academic performance at attendance ng isang mag-aaral na nasa malayong lugar.

    Pinasalamatan naman ni Cabangan Mayor Ronald Apostol ang ING Bank. Aniya hindi biro ang ginagawang tulong ng mga ito at makikinabang dito ang mga estudyante sa may pitong barangay ng Cabangan na nasa liblib na lugar.

    Walang “cash out” na babayaran sa bike na nagkakahalaga ng P10,000 bawat isa. Ang gagawin lamang ng beneficiary nito para saulian ang halaga ng bike ay tutulong ito sa mga aktibidad ng World Vision, isang NGO na tumutulong sa Zambales. Nagsagawa din ang ING Bank ng repair at repainting sa 12 classroom at school canteen sa New Taugtog National High School sa bayan ng Botolan, Zambales.

    Matibay ang pagkakagawa ng bike at kayang-kaya nitong ikarga ang may 200 kilos ang bigat. Orange ang kulay ng bike, dahil ito ang pambasang kulay ng Netherlands na may mahabang tadisyon sa pagbibisikleta.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here