Home Headlines Info system chief ng Mariveles LGU patay sa pamamaril

Info system chief ng Mariveles LGU patay sa pamamaril

1956
0
SHARE

MARIVELES, Bataan Binaril at napatay ng dalawang hindi pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo ang hepe ng management information system ng municipal government dito Huwebes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Dela Cruz, 35, ng Polaris Subdivision sa Barangay Mt. View, sakop ng Mariveles.

Kabababa pa lamang diumano ng kanyang kotse ang biktima pasado alas-6 ng gabi at papasok sa gate patungo sa kanilang apartment nang salubungin ng dalawang lalaki at barilin ng isa sa mga suspek.

Nakatakbo pa umano ang biktima at nakapasok sa isang bahay ngunit hinabol ng mga suspek at muling binaril ito.

Itinuro ng isang babae na nakiusap na huwag banggitin ang kanyang pangalan kung saan pumasok ang biktima habang hinahabol ng mga suspek.

“Binaril pa dito, dalawang putok. Dito siya (biktima) nakadapa, sabi ng babae. Naka-motor, dalawa pero may nakaabang pa raw na van. Sinabi ng asawa kabababa ng biktima sa kotse, dagdag ng babae.

Kinondena ni Mariveles Mayor Jocelyn Castaneda ang pagpaslang sa kanyang tauhan.

“Inabangan ang pag-uwi, hinabol at pinagbabaril hanggang mamatay ng walang kalabanlaban ang isang taong mahal natin at tunay na may pagmamahal at malasakit sa ating bayan. Atin po itong tahasang kinokondena at hahanapan ng hustisya,” sabi ng mayor sa kanyang social media page.

Malaking kawalan umano si Dela Cruz sa bayan ng Mariveles na tinutukan ang mga programa nila sa mahihirap na kababayan.

“Hindi rin natin siya papabayaan at hindi natin hahayaan na ganitong klaseng laban na ang mamayani sa bayan ng Mariveles,” sabi pa ni Castaneda.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here