LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Humigit kumulang 12,134 trabaho dito at sa ibang bansa ang inialok ng may 92 kumpanya sa isinagawang Jobs and Business Fair sa Bulacan Capitol Gym sa Malolos.
Pinangunahan nina Labor and Employment o DOLE Secretary Silvestre Bello III at Trade and Industry o DTI Secretary Ramon Lopez ang pagbubukas nito na bahagi ng pagdiriwang sa Ika-124 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ayon kay Bello, ang pagdaraos ng aktibidad ay bahagi ng ipinapatupad na National Employment Recovery Strategy Program 2021-2022.
Layunin nito na maibalik sa trabaho ang mga nahinto at mabigyan ng bagong trabaho ang mga nawalan bunsod ng pandemya ng COVID-19.
Bukod sa mga trabahong binuksan ng mga nasa pribadong sektor, nadagdagan ng 7,000 ang mga Bulakenyong benepisyaryo ng programang Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD.
Naglaan ng tig-isang libong slots ang DOLE sa bawat distrito ng lalawigan.
Pinasahod naman ang may 1,286 na mga naunang benepisyaryo ng TUPAD kung saan bawat isa ay tumanggap ng tig-4,200 piso bilang kabayaran sa 10 araw na pagtatrabaho.
Ang TUPAD ay emergency employment ng DOLE gaya ng road and drainage maintenance at barangay beautification.
Dahil natatapos ang pagtatrabaho sa TUPAD sa loob lamang ng 10 araw, hinikayat ni Bello ang mga benepisyaryo na gamitin ang sinahod upang makapagsimula ng sariling pagkakakitaan upang lumago at maging pangmatagalang kabuhayan.
Bukod sa mga programang patrabaho, nabiyayaan ang 563 na mga Bulakenyo ng iba’t ibang pangkabuhayan packages sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program.
Iba pa rito ang 100 na mga Negokart para sa mga kapamilya ng dating mga child laborer.
Mayroon namang 597 na tumanggap ng tig-iisang bisikleta upang magsilbi ring gamit sa paghahanapbuhay gaya ng paglalako o food delivery.
Samantala, sinabi ni Lopez na nasa 600 na mga Bulakenyo ang naisailalim sa iba’t ibang uri ng business training sa pamamagitan ng mga Negosyo Center ng DTI na dinala sa isinagawang Jobs and Business Fair.
Hinikayat din niya ang mga Bulakenyong micro, small and medium enterprises na samantalahin ang panibagong pitong bilyong pisong binuksan na pautang ng Small Business Corporation sa ilalim ng Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises o RISE UP.
Nakapaloob dito ang RISE UP Multipurpose Loan at RISE UP Turismo na pwedeng makapagpautang mula 10 libong piso hanggang limang milyong piso.
Pwede itong bayaran sa loob ng 12 buwan na may hiwalay na 12 buwan pang grace period o palugit. Kalakip ng pagbabayad ng principal ay ang 12 porsyentong interes.
Samantala, ipinakilala naman ni Technical Education and Skills Development Authority Regional Director Balmyrson Valdez ang E-TRAK o Electronic-Training-Trabaho-
Isa itong digital platform kung saan aagapayan ang mga naghahanap ng trabaho at maging ng tulong pangkabuhayan kung saan-saang ahensya angkop na lumapit.
Ang selebrasyon ngayong taon ay may temang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas”. (CLJD/SFV-PIA 3)