BOCAUE, Bulacan—Tagumpay ang pagdiriwang ng sentenaryo ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Ciudad de Victoria kung saan ay halos 2 milyon ang dumalo, at tinampukan ng pagtatala ng dalawang Guiness World Records.
Naging mapayapa sa pangkalahatan ang pagdiriwang ngunit nagdulot ito ng pagsasara sa northbound lane ng North Luzon Expressway simula Linggo ng madaling araw hanggang tanghali.
Tinataya namang umabot sa 140 katao ang nilapatan ng paunang lunas, kabilang ang isang babaeng mutik nang abutan ng pangangak sa Ciudad de Victoria. Samantalang milyon pang kasapi ng INC ang sumubaybay sa pangangaral ni Bro. Eduardo Manalo, ang pangkalahatang tagapamahala.
Ito ay sa pamamagitan ng live streaming video ng pagdiriwang sa napanood sa mga kapilya ng INC sa buong bansa at sa mahigit pang 100 bansa sa mundo. Ang dalawang Guinness World Records na naitala ng INC ay ang World’s Largest Gospel Choir at ang World’s Biggest Mixed Indoor Arena.
Sa kabuuan, umabot sa 4,774 ang kasapi ng INC na umawit sa kanilang koro. Ito ay higit na mas marami sa naunang Guinness Record na 1,700 na hawak ng Esados Unidos. Ayon sa pahayag ni Bro. Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC, ang naghandang kasapi ng INC para umawit sa koro ay 10,000.
Ngunit hindi nakarating ang lahat ng ito sa oras matapos maipit sa buhol-buhol na trapiko sa kahabaan ng NLEx.
Ang trapiko sa northbound ng NLEX ay nagsimulang sumikip noong Sabado ng hapon hanggang sa tuluyang magsara noong Linggo ng madaling araw. Ito ay dahil sa pagparada ng mga kasapi ng INC ng sariling sasakyan at ng ilang mga arkiladong bus at van.
Noong Sabado ng gabi, ilang sasakayan ang ipinahila ng Task Force Sentenaryo na pinamumunuan ni Francis Tolentino, ang tagapangulo ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Ngunit hindi rin napigilan ang pagparada ng mga kasapi ng INC hanggang sa magsara ang NLEx northbound lane.
Nakasabay pa nito ang malakas na buhos ng ulan noong Sabado ng hapon hanggang gabi, ngunit bandang alas-11:30 ay isang palabas ang umaliw sa mga kasapi ng INC. Ito ay ang 25-minutong fireworks display na inihanda ng Platinum Fireworks na nakabase sa Bulacan at kinontrata ng INC.
Ayon kay Joel Sta. Ana ng Platinum Fireworks, mahigit 24 na oras ang kanilang paghahanda na isinagawa ng 48 pyrotechnicians. Bilang isang beteranong kontratista sa fireworks display, sinabi ni Sta. Ana an iyon na ng pinakamalaking fireworks display na kanilang inihanda.
Dahil naman sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa NLEx, ikinadismaya ito ng mga motorista at mga pasahero. Ilan sa nakapanayam ng Punto ang nasabing inabot ng dalawang oras ang kanilang biyahe mula sa Balintawak hanggang Malolos noong Sabado ng gabi samantalang ang dating biyahe nila sa nasabing distansiya ay 25 hanggang 30 minuto lamang.
Dahil sa pagsasara ng northbound lane ng NLEX, napilitang magbukas ang Tollways Management Corporation (TMC) sa kahilingan ng TF Sentenaryo ng dalawang counter flow o pasalubong na lane sa southbound.
Ngunit halos isang oras lamang ang nakalipas matapos magsimulang maglabasan ang mga kasapi ng INC mula sa Ciudad de Victoria, nagsimula na ring bumagal ang daloy ng trapiko sa southbound lanes maging sa counterflow lanes.
Batay sa pagtaya ni Tolentino, posibleng umabot pa ng Lunes ng umaga, Hulyo 28 ang paglabas ng mga kasapi ng INC sa Ciudad de Victoria. Kaugnay nito, naunang idineklara ng Malakanyang na walang pasok sa Bulacan sa nasabing araw. Ito ay bilang pagbibigay daan samga umuuwing kasapi ng INC.
Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, lalong sisikip ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Bulacan kung bibiyahe ang mag mag-aaral at mga kawani kinabukasan. Kaugnay nito, ipinagmalaki ni Bro. Eduardo Manalo ang mga tagumpay ng INC sa nagdaang 100 taon na tinampukan ng pagdami ng mga kasapi at pagtatayo ng mga bagong simbahan.
Binigyang diin din niya na simula 2009 hanggang 2014 ay umabot sa 603 ang kapilyang naitayo ng INC kung saan ay 552 ang naitayo sa Pilipinas at ang iba pa ay isa ibayong dagat. Bukod dito, sinabi rin niya na 359 ang mga kapilya ng INC na kasalukuyang ipinakukumpuni.
Sinabi rin ni Manalo na patuloy ang pagiging matatag ng INC mulang ito ay itayo ni Felix Y.Manalo noong Hulyo 27, 1914. Ang unang kongregasyon ng INC ay naitayo sa Punta Sta. Ana sa Maynila. Sa kasalukuyan ang INC ay may tinatayang mahigit sa 5 milyong kasapi, at may mga sangay sa buong Pilipinas at sa may 120 bansa sa mundo.
Ang INC ay ang unang relihiyong naitatag sa bansa na nakapagbukas ng sangay sa ibat-ibang bansa.