SA AKLAT ng Eksodo may isang eksena kung saan naglalambing si Moises sa Diyos. Sabi niya sa Panginoon: kung talagang matalik na kaibigan ang turing mo sa akin, sana ipakita mo sa akin ang iyong mukha. Sagot daw ng Diyos, “Di mo pwedeng makita ang aking mukha nang hindi ka namamatay.”
Kaya nagtataka ako sa formula ng basbas ni Aaron sa mga Israelita ayon sa ating unang pagbasa. Ganito daw ang sasabihin: “Nawa’y pagpalain ka ng Diyos at ingatan. Nawa’y ipakita niya sa iyo ang kanyang mukha at kasihan ka niya ng pagpapala. Nawa’y pagmasdan ka niya at bigyan ng kapayapaan.” Akala ko ba ikamamatay ng tao kung makita niya ang mukha ng Diyos? Paano bang basbas iyon? Gusto niya ba silang mamatay?
Doon nga sa Exodus 34, pinagbigyan daw ang hiling ni Moises pero inilagay siya sa likod ng bato at tinakpan ng Diyos ang mukha ni Moises habang ang Panginoon ay dumadaan. At nang makalampas na siya, noon lang inalis ng Panginoon ang kamay niya para makita siya ni Moises nang hindi nakaharap kundi nakatalikod. Baka nga kasi ikamatay niya ito.
Kahit si San Pablo may sinasabi ring hawig dito. Sa dulo ng Chapter 13 ng 1Corinthians, sabi niya, “Ngayon naaaninag lang natin siya katulad ng nakikita sa salamin. Darating ang panahon, magkikita rin tayo nang mukha sa mukha, “face to face.” Ito ang pinagmulan ng konsepto ng beatific vision o ang katuparan ng pangarap na makita ang mukha ng Diyos pagkamatay ng mga banal.
Ang Pasko ay tungkol sa pagkakatawang tao ng Diyos sa pamamagitan ni Mama Mary. Nang isilang ang Anak ng Diyos bilang Anak ng Tao, nabigyan siya ng hugis at wangis ng tao. Kay Hesus nabigyan ng katuparan ang pangarap ni Moises: ang makita ang Diyos nang mukha sa mukha, hindi sa kabilang buhay kundi dito sa mundo.
Sa araw na ito ng pagsalubong natin sa bagong taon 2025, ang jubilee of hope, o hubileo ng pagasa, magandang paghugutan ng pagninilay ang panalanging dinadasal natin sa dulo ng rosaryo, ang SALVE REGINA. Tinatawag natin siyang Mater misericordia, vita, dulcedo et spes nostra… “inang maawain, aming buhay, tamis at pagasa.” Sabi pa niya sa may dulo ng panalangin, “At saka, Ina namin, Ilingon mo sa amin ang iyong maawaing mga mata. At pagkatapos ng pagpanaw namin, Ipakita mo sa amin ang iyong Anak na si Hesus, Ang mapalad na bunga ng iyong sinapupunan.”
May pag-asa ang tao—ito ang mabuting balita ng pananampalatayang Kristiyano sa daigdig. Bakit? Dahil niyakap ng Diyos ang ating abang pagkatao sa sandaling nabigyan siya ng hugis at mukha ng tao sa sinapupunan ng mahal na ina at isinilang na taong katulad natin. Ang makita si Hesus, mahalin siya at masundan, ang matingnan ang mukha niya tulad ng pagtingin ni Maria sa mukha ng anak niya, ito ang sikreto ng kaganapan ng pangarap ni Moises na masilayan ang mukha ng Diyos.
Kay Hesus, maaaninag natin ang pag-asa ng tao sa kabila ng lahat ng ating mga pagkukulang at kapalpakan. Sa pamamagitan ng ating pakikipagkaisang-puso at diwa sa kanya, ang ating pagkatao ay hindi na natin dapat ikahiya. Tanging kay Kristo lang magniningning ang lahat ng totoo, mabuti at maganda tungkol sa ating pagkatao. Ang nakakakita sa kanyang mukha ay natutututong magmahal kung paano niya tayo minahal: nagiging handang maglaan ng buhay para sa minamahal, kahit pa ito ikamatay. Mabiyayang bagong taon po sa inyong lahat!
(Solemnidad ni Mariang Ina ng Diyos, Bagong Taon 2025, Lk 2:16-21)