INA, kasusuklaman ba kita?

    998
    0
    SHARE
    Nang minsang manood ako ng Jesica Soho Reports, ipinakita ng GMA7 ang mga nakalinya nilang programa sa 2010. Isa dito ang isang telenovela na pagbibidahan ng dating Reyna ng telenovela (Claudia ba ang pangalan nya noon?) na si Jean Garcia, kasama ang anak na nakalimutan ko na ang pangalan.

    Natawa ang mga anak ko sa pamagat ng pagbibidahan nila. “Ina, Kasusuklaman ba kita?” Ang alam ko, isa na naman itong retokadong telenovela na hango sa mga pelikula noon na siyang nauso noong nakaraang taon at patuloy pa ring kinakagat ng mga manonood, kahit ang karamihan ay may kalayuan sa tunay na istorya ng orihinal na pelikula.

    Hindi ko alam kung ang pamagat na ito ay dialogue ng anak patungkol sa kanyang ina, o ito ba ay katanungang galing sa ibang tao patungkol sa isang ina ukol sa pagtrato niya sa kanyang anak? Maaaring tanong ito ng isang tulirong anak sa kanyang ina. Ang malinaw, hindi maaaring maging “Anak, Kasusuklaman ba kita?” ang mamutawi sa bibig ng isang ina.

    Ganito ang aking personal na opinion sa ina ni Jason Ivler. Hindi ko alam kung paano niya pinalaki ang kanyang anak. Ayoko ring pag-usapan ang merito ng mga kasong kinahaharap ngayon ni Jason. Ang malinaw sa akin, ang walang hanggang pagtatangka at pagsusumikap ng ina na proteksyunan ang anak sa sa mga bagay na makakasakit dito ay isang bukal na ugali ng isang ina.

    Naalala ko ang isang inang manok na may mga sisiw na nilapa ng aking Siberian Husky na si Globey. Bagamat malaki ang kagat nito sa kanyang tiyan at pakpak at nanghihingalo na upang mamatay, nakuha pa rin ng inang sisiw na itago sa kanyang mga pakpak ang kanyang mga sisiw upang hindi malapa ng aking aso… hanggang sa tuluyan itong malagutan ng hininga. Ganyan ang ina, kahit sa bingit ng kanyang kamatayan at sa kahulihulihang hininga ay proproteksyunan ang anak sa kapahamakan.

    Pero ganyan nga ba ang ina ni Jason? Una, dapat nating isaisip na ang pagsuko sa batas at pagharap sa kaso upang ipagtanggol ang sarili ay para sa kapakanan ng kanyang anak. Kung ito man ay may balidong depensa, walang dahilan upang siya ay itago sa batas.

    Kung sakali namang siya ay talagang may kasalanan, hindi ba marapat lamang na ibigay siya sa batas upang managot dito, pagdusahan ang kanyang kasalanan, matuto sa pagkakamali, at nang sa ganoon ay mabigyan ng panibagong buhay?

    Ang pagsuko sa batas ng anak na inaakusahan ang siyang pinakamagandang pagmamahal na maibibigay ng ina sa kanyang anak. Maliban na lamang kung ang ina ay hindi naniniwala sa hustisya, husgado, at sa pamamalakad sa bilangguan. Mahaba-habang debate ito.

    Maaring mali ang aking pananaw. Maaring iba ang puso ng isang ina kung ang pag-uusapan ay proteksyon at pagmamahal sa kanyang anak.

    Kaya lang minsan, ang proteksyon at pagmamahal na ito ang siya ring nagdudulot ng kapahamakan ng isang anak na dadalhin niya hanggang sa pagtanda niya. Kung patuloy nating ipapakita sa ating mga anak na sila ay ating kakalingain at ilalayo sa pagharap sa mga kasalanan, hindi nila lubos na mauunawaan ang kahulugan ng kasalanan at ang mga maaring maging resulta nito.

    Kung ang lahat ay padadaanin natin sa salapi, pakikipag-areglo, impluwensya, baluktot na pagtatanggol at maling pagpapakita ng ehemplo sa ating mga anak, sila ay lalaking walang takot sa Diyos, walang bayag, walang paninindigan. Nakakatakot….baka mahawa pa ang ating mga apo. Iyon ang kasuklam-suklam!


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here