HAGONOY, Bulacan — Maganda daw at mataas ang ani gamit ang biofertilizer pero baka mauwi lang sa bagong fertilizer scam ang atas ng Department of Agriculture ng paggamit nito ng mga magsasaka.
Ito ang pahayag ni Sen. Imee Marcos sa mga mamahayag sa pagbisita nito sa Bulacan nitong Mayo 12 at pangunahan ang pamimigay ng ayuda sa 3,000 benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development.
Ani Marcos, nakita niya ang itinakdang presyo ng DA sa biofertilizer na mataas kumpara sa presyo ng regular fertilizer kaya baka mauwi ito sa panibagong fertilizer scam.
Paliwanag niya na ang dating halaga ng fertilizer na nasa P4,000 kada sako ay bumagsak na lang ngayon sa P1,200 kada sako kumpara sa biofertilizer na mataas pa rin ang presyo na tila hindi kakayanin ng mga magsasaka.
Para sa senadora, bigyan na lang ng cash voucher ang mga magsasaka at ang mga ito na lang ang mamili ng fertilizer na angkop sa lupa nila at kung saan nito gustong bumili ng fertilizer.
Ang magsasaka na, aniya, ang mamimili sa gagamitin nitong fertilizer kung biofertilizer, composting and organic fertilizer, o kung kumbinasyon ba ng urea fertilizer dahil kanya-kanya naman ang mga ito ng secret formula sa lupa.
Huwag na lang aniya na pilitin ang mga magsasaka na bumili ng iisang fertilizer na hindi naman angkop sa lupa nito at pipilitin pa sa presyong hindi makatotohanan.
Samantala, nasa 3,000 benepisyaryo ng AICS ang nakatanggap ng tig-P3,000 sa mga bayan ng San Idefonso, Norzagaray at Hagonoy na pinangunahan ng senadora.