LUNGSOD NG MALOLOS – Mahigpit ang gagawing pagbabantay ng Bulacan Environment and Natural Resources o BENRO laban sa mga iligal na pagmimina ng lupa at pagpuputol ng puno.
Ito’y matapos naglatag ang nasabing tanggapan ng siyam na checkpoint upang tiyakin na ang mga nagbyabyahe ng quarry materials ay mula sa mga lugar na may permiso o permit lamang.
Ayon kay BENRO Head Julius Victor Degala, paiigtingin nila ang pagbabantay sa mga illegal na nagmimina at nagtrotroso upang protektahan ang kapaligiran ng buong lalawigan.
Bilang karagdagan, bumuo rin ang kanilang tanggapan ng roving team na magbabantay sa mga checkpoint bukod pa sa regular na alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
Nilinaw naman ni Gobernador Daniel Fernando na mataas ang pangangailangan sa quarrying at nagbibigay ito ng hanapbuhay sa mga Bulakenyo ngunit kailangan itong kontrolin at mahigpit na bantayan.
Aniya, ang regulated at permitted quarrying ay namomonitor kung kaya hindi tahasang nasisira ang kapaligiran dahil dito.
Ang illegal quarrying ang kalaban at ‘yun ang patuloy na binabantayan at nilalabanan
Sa ilalim ng termino ni Fernando, nakapag-monitor at nakapag-patrolya na ang BENRO ng may 468 ulat laban sa illegal logging.
Nakapagbantay at nakapag-imbestiga dito ito sa 181 quarries at mining concerns; nakapagsuri sa 35,494 sasakyan kaugnay sa kanilang accreditation stickers; at nakapagkolekta ng 128,551 piraso ng delivery receipts at transport slips. (CLJD/VFC-PIA 3)