Illegal quarry sinisi sa pagkalunod ng bata

    450
    0
    SHARE

    ANGAT, Bulacan—Isinisisi ng mga residente ng bayang ito ang pagkalunod ng isang batang lalaki noong Martes sa hindi mapigil na illegal na operasyon ng quarry.

    "Hindi sana namatay yung bata kung tinigilan na yung quarrying dito sa amin, ani Eric Sincioco, isa sa mga residenteng tutol sa patuloy na gravel and sand quarrying sa bayang ito na nagsimula may 40 na taon na ang nakaran.

    Ang tinutukoy ni Sincioco ay ang biktimang si John Kenneth Tusi, limang taon na nahulog sa may 15 talampakang lalim ng quarry site na puno ng tubig.

    Ang biktima ay nakuha sa malalim na quarry site noong Martes ng hapon matapos ang mahigit na dalawang oras na paghahanap sa kanya ng kanyang ina na si Jennelyn Tusi, 30.

    "Bago mag-ala-onse ng umaga, nagluto ako ng pananghalian namin, pero nakita ko pa a siya na naglalaro, pero nung kakain na kami ay wala na," ani Jennelyn.

    Ayon naman kay Rodolfo Peratero, isang kapitbahay ng biktima, nakita niya ito na naglalarao kasama ang isa pang bata malapit sa kinalunuran, ngunit pinaalis niya ang mga ito sa pangamba na madisgrasya.

    Umalis nga ang biktima at kalaro nito, subalit bumalik muli at nahulog ang biktima sa tubig.

    Matagal na hinanap ng mga kapitbahay ang biktima, ngunit hindi nakita, hanggang sa makita nila ang tsinelas at sando nito sa tabi ng tubig at naghinala sila na nahulog doon ang bata.

    "Malalim kasi yung tubig kaya ginamitan muna ng lambat," ani Dennis Mendoza, ang tiyuhin ng biktima.

    Sinisisi ng mga residente sa pagkalunogd ng biktima ang walang tigil na operasyon ng illegal quarry ng isang Obet Maximo sa kanilang lugar.

    "Dapat talagang matigil na yung quarry para wala ng madamay," ani ng ina ng biktima.

    Sinabi niya na malaki ang posibilidad na illegal ang operasyon ni Maximo dahil sa gabi lamang ito nagsasagawa ng operasyon kung saan sampung dumptruck and pabalik-balik na humahakot ng kinu-quarry na graba at buhangin.

    Inayunan naman ito ni Sincioco na matagal ng tumututol sa quarrying sa bayang ito.

    Bilang pagtutol, nagpahatid na ng liham si Sincioco kina Bulacan Governor Joselito Mendoza at Mayor Leonardo De Leon at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

    Subalit, paraang walang narinig ang mga opisyal at nasabing tanggapan dahil patuloy pa rin ang operasyon ng quarrying sa bayang ito.

    "Sana ay magising na yung mga nasa gobyerno at ipatigil yung quarry operations at wala ng madamay," ani Sincioco.

     

     

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here