Home Headlines Illegal quarry pinaiimbestigahan

Illegal quarry pinaiimbestigahan

2467
0
SHARE

Ilan sa mga larawan ng pinangangambahang illegal quarry na nagbabanta umano ng trahedya sa mga residente. Letrato mula sa SB



ALIAGA, Nueva Ecija – Inilatag ngayon ng
sangguniang bayan ang imbestigasyon sa hinihinalang illegal quarry operation sa tinatayang isa’t kalahating ektaryang lupain malapit sa Talavera River at dike sa Barangay San Eustacio dito.

Ayon kay Vice Mayor Erwin Javaluyas, natuklasan nila ang paghuhukay ng lupa sa tatlong magkakatabing lugar nang may magpadala sa kanila ng larawan nito.

Nitong Sabado ay tinungo ni Javaluyas at ilang kagawad mg SB ang lugar at mismong sila raw ay nangamba sa posibleng sapitin ng mga taga barangay at karatig nitong lugar sakaling bumigay ang dike dahil sa sobrang pagkasira ng lugar.

“Siniyasat natin at nakita nga natin dun na yung lalim ng nakita natin ay pang two-storey building, ganun kalalim saka matagal na siguro itong kinu-quarry,” ani Javaluyas.

“Kung ito man ay may permit, nasaan ang permit? Kung yun ay business enterprise, siguro may kita ang barangay dun. Kung revenue, mayroon ba silang record?dagdag pa ng bise alkalde.

Ngunit higit sa lahat ay ang pangamba ng SB sakaliing magkaroon ng kalamidad.

“Ang masama nito ay yung naba-violate ang environmental laws, considering na may climate change. Ang lalakas ng mga bagyo,” paliwanag niya dahil ang dike, aniya, “ang nagpoprotekta sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan.

Dahil dito ay ikinasa ng committee on environment ang imbestigasyon in aid of legislation kung saan ay unang ipatatawag ang mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni barangay chairman Lito Sarmiento.

Layunin nito na matukoy kung paanong nagkaroon ng ganoong quarry sa delikadong lugar, kung ito ba ay may pahintulot at makalikha ng batas na magbibigay-proteksyon sa nasabing lugar.

“This is for the enactment of a particular ordinance to declare the dike as a protected area,” ayon sa bise alkalde. 

Sa ngayon ay hindi pa rin natutukoy kung sino ang nasa likod ng paghuhukay bagaman at may mga balita di-umano na ginagawa itong panambak sa Central Luzon Link Expressway na bumabagtas sa bayang ito.

Nananawagan din ang SB sa mga ahensiya ng pamahalaan, kabilang na ang community environment and natural resources office at iba pang tanggapan upang aksiyunan kaagad ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here