BOCAUE, Bulacan – Dahil malapit na ang kapaskuhan, abala naman ang mga manggagawa ng paputok sa Bulacan na nagbebenta sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, halos kalahating milyong pisong halaga ng mga illegal na paputok ang nakumpiska ng mga operatiba ng Bocaue PNP kahapon sa liblib na bahagi ng isang subdivision ng Binang 2nd, Bocaue, Bulacan.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng ulat na may isang truck na may plakang RFE-262 ang nagkakarga ng mga paputok sa liblib na bahagi ng Ayukit Subdivision ng naturang lugar.
Dahil dito ay agad na nagsagawa ng pagpapatrulya ang kapulisan sa naturang lugar at nakumpiska ang ibat-ibang uri ng mga paputok na pag-aari umano ng isang nagngangalang Carla Manahan residente ng naturang subdivision habang ang driver naman ng truck ay nakilalang si Honesto Onate, residente naman ng Gattaran, Cagayan.
Ang mga nakumpiskang paputok ay may ibat-ibang uri tulad ng sawa, kwitis, baby dynamite at fountain nagkakahalaga ng P300,000 na pawang mga walang label o tatak at dadalin patungong Isabela.
Ayon pa sa ulat, may tangkang itago sa mga otoridad ang nasabing paputok dahil sa itoy isinakay sa truck kasama ang mga sako ng animal feeds.
Ayon sa kapulisan, ito ay maliwanag na paglabag sa Rule 3 ng Sec. 5 ng Republic Act 7183 kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga paputok ng walang mga label o tatak.
Si Manahan ay kinasuhan na sa kasong paglabag sa batas na nagreregula sa paggawa pagbebenta at distribusyon ng paputok sa bansa samantalang ang mga illegal na paputok ay nasa kustodiya naman ng Bocaue PNP.
Ayon kay Senior Supt. Allen Bantolo, ng Bulacan PNP, hihigpitan nila ang pagbabantay sa produksyon ng paputok sa Bulacan upang hindi maulit ang mga insidente ng pagsabog sa mga nagdaang taon.