Ang paggugupit ng barberong si Cris Estrella sa “new normal” situation dahil sa corona virus pandemic. Kuha ni Rommel Ramos
GUIGUINTO, Bulacan — Ilang barberya sa Bulacan ang nagbalik na ng operasyon habang ang ilang may-ari ng beauty parlor ay ayaw pang magbukas dahil sa pangamba sa coronavirus.
Sa barber shop ni Cris Estrella sa Barangay Tiaong, Guiguinto, dagsa agad ang nagpagupit sa unang araw ng operasyon nito.
Ayon kay Estrella, ang mga magpapagupit ay kinakailangang may suot na face mask at maglalagay muna ng alcohol sa kamay at dapat ay nakapaligo na.
Hindi daw niya gugupitan ang customer kung walang suot na face mask o di kaya ay bebentahan muna niya ito ng face mask.
Ang mga pipila para magpagupit ay may social distancing at palagian niyang dini-disinfect ang kaniyang barberya. Habang si Estrella naman ay nakasuot ng facemask at face shield habang nanggugupit.
Hindi rin daw siya magtataas ng singil sa gupit na halagang P50 lamang kada ulo, ito ay parang tulong na rin niya sa mga naapektuhan ng lockdown.
Binabalak niya na araw-araw siyang magbubukas ngunit kung tataas ang kaso ng Covid-19 sa kanilang lugar ay agad daw siyang magsasara ng barber shop.
Samantala, sarado pa rin ngayon ang beauty parlor sa Malolos, Bulacan ni Rachele Solis dahil pinag-iisipan pa niya kung kailan siya magbubukas ng kanilang salon dahil sa pangamba sa Covid-19.
Nag-iingat lamang daw sila dahil hindi nila matutukoy kung sino sa mga customers ang mayroong sakit na coronavirus.
Sa ngayon ay tumatanggap na lamang muna sila ng mga home service na haircut ngunit doble ang kanilang pag-iingat sa pupuntahang customer.