Ikalawang strain ng dengue mayroon na sa Bulacan

    392
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS— Muling iginiit ng opisyal ng kalusugan sa Bulacan ang intensibong kampanya laban sa dengue dahil may mga nagsasabing mayroon nang ikalawang strain ng nakamamatay na sa sakit sa lalawigan.

    Kaugnay nito, muling nagkasakit ng dengue sa loob ng siyam na buwan si Bokal Micahel Fermin at ayon sa kanyang duktor ay “second strain”ng dengue ang sanhi ng kanyang pagkakasakit. Ayon kay Dr.Jocelyn Gomez, hepe ng Provincial Public Health Office, na kalinisan ng kapaligiran pa rin ang natatanging susi sa pagpuksa sa dengue.

    Sinabi niya na sa kabila ng pagbaba ng bilang ng kaso ng dengue sa unang anim na buwan ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon ay pareho na ang bilang ng namatay sa nasabing sakit sa lalawigan sa magkasunod na dalawang taon.

    Sa panayam, inilarawan ni Gomez na hindi biro ang sakit na dengue. Binigyang diin niya na ito ay patuloy na banta hindi lang sa kalusugan kungdi maging sa buhay ng tao. Ito ay dahil sa wala nang pinipiling panahon ang dengue, at wala ring pinipiling biktima ito— bata man o matanda, babae o lalaki.

    Hinggil sa mga uri ng dengue na ibinulgar kamakailan ng Department of Health na may apat na strain, sinabi ni Gomez na wala pang sapat na kakayahan ang mga pagamutan sa Bulacan upang matukoy kung anong strain ito.

    “For purposes of epidemiology and determination of the strain, we still have to submit sample to RITM,” sabi ni Gomez patungkol sa Regional Institute for Tropical Medicine na matatagpuan sa Kalakhang Maynila.

    Ang dagdag na problema ay matagal bago ilabas ang resulta ng pagsusuri ng RITM, na ayon kay Gomez ay tumatagtal ng mahigit dalawang linggo. Gayunpaman, nilinaw ng duktor na hindi sagabal ang pagtukoy sa strain ng dengue sa paglalapat nila ng lunas sa mga may sakit.

    Ito ay dahil may estabilisadong paraan ng paggamot sa may sakit ayon sa mga sintomas ng sakit na dengue.

    “Hindi naman kailangang matukoy ang strain bago gamutin ang pasyente, kailangan lang ang strain para sa epidemiology,” aniya. Noong Hunyo, inilahad ni Health Undersecretary Eric Tayag sa mga lumahok sa 3rd Asean Dengue Day na isinagawa sa lungsod na ito na may apat na strain ang dengue.

    Ayon kay Tayag,ang strain na karaniwang nagiging sanhi ng sakit sa Bulacan at iba pang bahagi ng Gitnang Luzon at Kalakhang Maynila ay mula sa first strain. Ang ikalawa at ikatlong strain ng dengue ay unang namonitor ng DOH sa mga lalawigan ng Visayas.

    Dahil dito, sinabi ni Tayag na “it will just be a matter of time before it will reach Bulacan or Manila.”

    Nagbabala pa siya na dapat ay paghandaan ng mga tao ang napipintong “dengue storm” lalo na kung hindi mapipigilan ang sakit.

    Hindi nagkamali sa babala si Tayag dahil sa nakasakit na ng ikalawang strain ng dengue siBokal Fermin.

    Sinabi ni Fermin na kinumpirma ng kanyang mga duktor na second strain ng dengue ang dahilan ng kanyang pagkakaratay sa St.Luke’s Medical Center.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here