GUAGUA, Pampanga — Papasinayaan sa Marso 2 ang ikalawang bamboo organ sa bansa na nasa St. James Apostle Parish Church sa Betis.
Ang pagpapasinaya ay gagawin 5:30 ng hapon sa loob ng nasabing simbahan sa pamamagitan ng pagbebendisyon at choral concert ng Mirabilla Dei Choral.
Ang Betis bamboo organ ay ginawa ng Diego Cera Organ Builders, Inc. na nagmementena din ng Las Pinas bamboo organ na kauna-unahang bamboo organ sa bansa.
Ayon kay Msgr. Gregorio Canlas, musical director ng Mirabilia Dei, naglikom sila ng pondo sa tulong ng ilang mga parokyano para magkaroon ng isang bamboo organ na nagkakahalaga ng P3 million.
Aniya, matapos ang pagpapasinaa ay gagamitin ang nasabing bamboo organ sa mga misa sa Betis at mga choral concert.
Magsisilbi din aniyang added tourist attraction sa Betis ang nasabing bamboo organ na maaari nang saksihan ng publiko simula bukas.
Ayon naman kay Cealywyn Tagle, president and general manager ng Diego Cera Organ Builders, Inc., tumagal ng dalawang taon ang paggawa nila ng nasabing bamboo organ dahil sa curing ng mga kawayan.
Aniya, 80% ng nasabing organ ang gawa sa kawayan habang ang iba naman ay gawa sa metal pipes.
Ito ay may two-layer keyboard at pedal board na binubuo ng halos 900 piraso ng bamboo pipes, 30 piraso ng wood pipes at 168 metal pipes.
Samantala, ang Belgian organist na si Luc Ponet ang titipa bukas sa pagpapasinaya ng Betis bamboo organ.
Una namang ginamit ang Betis bamboo organ noong Simbang Gabi sa St. James Apostle Parish Church noong 2019 at bukas pa lang gagawin ang pormal na inagurasyon nito.
Samantala, ang Las Pinas bamboo organ ang kauna-unahang bamboo organ sa bansa ay nasa 199 taon na ngayon na itinayo matapos na makumpleto ng Augustinian priest na si Diego Cera.