LUNGSOD NG CABANATUAN – Isasagawa ng Samahang Lazaro Francisco (SLF) ang ikatlong palihan para sa mga manunulat ng Gitnang Luzon simula sa Okt. 11 sa pamamagitan ng online sa gitna ng laban kontra sa coronavirus disease, ayon sa isang mataas na opisyal ng samahan.
Kasabay nito ay inilabas ng ng SLF ang listahan ng mga napiling kalahok na manunulat sa nasabing palihan. Kinabibilangan ito nina Marc Valmeo, Ronnel Talusan, Joanah Pauline Macatangay, at JC Lubag, pawang tiga-Bulacan; Alyana Walde, Jethro Nocom, at Erwin Mallari ng Bataan; Menard Miguel, Alvin Moga, Rossite Ramilo, Joshua Mendoza, Banjo Somera, at Princess Supnet ng Nueva Ecija.
“Dahil sa pandemya, gaganapin ang palihan sa paraang online sa darating na Oktubre 11, 18, at 25,” pahayag ni R.B. Abiva, pangulong tagapagtatag ng SLF.
Magsisilbing mga panelist ang mga miyembro ng Linangan ng Imahen, Retorika, at Anyo na sina Cristobal Alipio at Adelma Salvador, at R.B. Abiva na miyembro rin ng Samahan Ng Mga manunulat Sa Pilipinas, Inc. at Gunglo Dagiti Mannurat nga Ilokano Iti Filipinas.
“Ang palihan ay maisasakatuparan sa pagtataguyod ng sekretaryat na sina Ed Tigulo, Arbie Francisco, at Jerwyn Labagnoy,” sabi ni Abiva.
Ayon sa kanya, layunin ng palihan na mahasa at magabayan pa ang mga bagong sibol at lokal na manunulat sa bansa, partikular sa Gitnang Luzon. Sa kabilang banda’y pagpapalakas din ito sa rehiyunal na panitikan. Pagtataguyod din ito sa mga nasimulan noon ng Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino naitinatag ni Lázaro Francisco noong 1958 hinggil sa pagsasabansa at pagpapanguna sa wikang Tagalog, sa halip na wika ng mga banyaga, ang gamitin sa alinmang larangan ng pamumuhay ng mga Pilipino at bansang Pilipinas.
“Sa kabila ng krisis na kinahaharap ngayon ng bansa at mundo, sisikapin ng SLF na maging matagumpay ang ikatlong palihan sa kabila ng mga dagok at pagsubok dahil sa malalang suliraning kinahaharap ng lahat,” wika ni R.B. Abiva.