LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Lalong tumibay ang kahalagahan ng kabayanihan at ambag ni Mariano Ponce sa simulain ng ugnayang panlabas ng Pilipinas, sa pagkakadeklara sa 2026 bilang Taon ng Kasaysayang Pangdiplomatiko at Diaspora.
Sa pagdiriwang ng Ika-163 Taong Anibersaryo ng kapanganakan ng diplomatiko, binigyang diin ni National Historical Commission of the Philippines Deputy Executive Director for Administration Rosario Sapitan, na ipinalabas ang naturang deklarasyon ngayong ang Pilipinas ang tagapangulo ng Association of South East Asian Nations.
Dahil ditto, makatwiran aniyang alalahanin ang mga naiambag ni Ponce sa pagpapatibay ng pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa mga bansa sa Asya partikular sa Japan, China, Thailand, at mga bansa sa Indochina gaya ng Vietnam, Cambodia at Laos.

Nakilala si Ponce bilang sugo o ambassador ng Pilipinas sa Japan sa ilalim ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa kasagsagan ng rebolusyon laban sa mga Kastila.
Partikular na naging papel niya ang pag-asikaso sa pag-angkat ng mga armas mula sa Japan upang gamitin ng mga rebolusyonaryo sa Pilipinas.
Naging pagkakataon ito upang makadaupang palad niya ang iba’t ibang Asyano, na pawang nagsusulong na magkaroon ng kasarinlan sa kani-kanilang mga bansa.
Ang Japan ay nagsilbing sangtuwaryo ng mga lider Asyano tulad ng noo’y pangulo ng Republika ng Tsina na si Sun Yat Sen.
Personal na naging kaibigan ni Ponce si Sen na naghudyat upang mabuksan ang komunikasyon sa pakikipag-ugnayang pangdiplomatiko sa noo’y iisang China na kinapapalooban ng Formosa na ngayo’y Taiwan, Hongkong at ng kabuuan ng mainland nito.
Bukod sa pag-angkat ng mga armas, pinakalundo ng ambag ni Ponce sa ugnayang panlabas ng bansa ang pagbibigay diin na dapat taglayin ng mga Asyano na maniwala sa kanyang sariling kakayahan.
Bagama’t maliwanag kay Ponce ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kalayaan at kasarinlan, naniniwala siya na walang bansang sumulong o umunlad nang mag-isa.
Dahil dito’y mas lalong nakilala si Ponce sa kanyang isinulong na Pan-Asyanismo na nakatuntong sa prinsipyo na ‘ang Asya ay para sa mga Asyano at ang mga Asyano ay para Asya.’ (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



