CASTILLEJOS, Zambales (PIA) — Ginunita sa Zambales ang ika-115 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay.
Nagsilbing highlight nito ang pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang bantayog sa bayan ng Castillejos.
Ayon sa Hepe ng Dibisyon ng mga Makasaysayang Pook at Edukasyon ng National Historical Commission of the Philippines na si Gina Batuhan, hangad ng kanilang ahensya na sa pamamagitan ng ganitong gawain ay maipinta sa isipan ng mga mamamayan ang halaga ng kasaysayan.
Aniya, sa pagdiriwang ng anibersayo ng kapanganakan ni Magsaysay ay naway mapaalalahanan ang lahat na magsilbing liwanag sa bayan at patuloy na itaguyod ang mga mithiin ng dating Pangulo para sa isang maayos na pamumuhay, katiwasayan, at pagpapahalaga sa kalinangang Pilipino.
Dagdag pa niya, isang malaking karangalan ang maging instrumento sa pagpapakalap tungkol sa kasaysayan at sa mga aral na pinagsusumikapang ipaabot nito.
Nagpasalamat din si Batuhan sa bumubuo ng pamahaalang bayan ng Castillejos sa patuloy na pagpapatupad ng iba’t-ibang programa at proyekto upang patuloy na maipinta sa mga mamamayan ang kahalagahan na malaman ang dakilang buhay ni Magsaysay na tinaguriang Kampeon ng Masa.
Samantala, ipinahayag ni Mayor Jeffrey Khonghun ang kanyang kagalakan na sa kanilang bayan ipinanganak, nahubog, lumaki ang isa sa pinakamahusay na Presidente ng Pilipinas.
Hinikayat ng alkalde ang kanyang mga kababayan na ipagmalaki at gawin siyang inspirasyon upang paunlarin ang kanilang munisipalidad.
Bago naging ika-Pitong Pangulo ng bansa, si Magsaysay ay nagsilbing kinatawan ng Zambales at Kalihim ng Tanggulang Pambansa.