Home Opinion IGALANG ANG PANANAMPALATAYA NG BAWAT ISA

IGALANG ANG PANANAMPALATAYA NG BAWAT ISA

487
0
SHARE
I.
Sa nagdaang BIYERNES SANTO ay may mga kaganapan
na hindi KANAIS-NAIS sa tingin ng karamihan
mga NAGPIPINITENSYA’Y ginawang katatawanan
ng ilan sa tila walang isip nating KABABAYAN
may isang namamanata ang NAGALIT ng tuluyan
at NANADYAK nang ang pasan nitong KRUS ay biglang sakyan
II.
May nagbasa rin ng PASYON at ang kasuotan nito
ay talagang ginaya pa ang imahe ng DEMONYO
ito’y matinding PAGHAMAK at kawalan ng respeto
sa MANANAMPALATAYA at maging kay HESUKRISTO
at ang ibang RELIHIYON ay para bang apektado
sa tradisyong kinagisnan nating mga KATOLIKO
III.
Katulad ng pagdiriwang natin sa SEMANA SANTA
panay ang pambabatikos sa atin ng ibang SEKTA
ang palaging sinasabi at kanilang PINUPUNA
mga ginagawa natin ay wala raw sa BIBLIYA
ano naman ang masama kung ating GINUGUNITA
ang pangyayaring TUMUBOS sa ating pagkakasala
IV.
Di na raw dapat gayahin ang DAKILANG MANUNUBOS
sa hirap na dinaanan upang tayo ay MATUBOS
sapat na raw ang bagay na PAGSISIHAN nating lubos
ang ating pagkakasala’t ihingi ng tawad sa DIYOS
di na kailangan ang dugo ‘y sa katawan pa UMAGOS
dahil sa NAGANAP na raw at malaon na ring tapos
V.
Kung susuriing mabuti sa bibliya NAKASULAT
lahat naman ay nangyari sa panahong NAKALIPAS
tulad na lang ng PALM SUNDAY o ang LINGGO ng PALASPAS
hanggang muling pagkabuhay ng ating TAGAPAGLIGTAS
may mali ba kung sakali at may gustong MAKARANAS?
sa parusa na sa Poong Hesukristo PINALASAP?
VI.
Wala namang sinasabi na di dapat TULARAN pa
ang PASYON ng Panginoon dahil ito’y natapos na
kahit sino ay malayang magtanghal at IPAKITA
o kaya ay isadula’t gawin itong PELIKULA
kung mayron mang mga taong nagsisipag-penitensiya
ito’y dahil sa PANATA at pananampalataya
VII.
At wala ring nag-uutos na sila ay PANOORIN
kaya’t hindi nararapat pang ito ay BATIKUSIN
paniniwala ng tao ay kailangang RESPETUHIN
dahil iba ang kay Juan, ang kay PEDRO ay iba rin
upang hindi na lang tayo MAKASAKIT ng damdamin
igalang ang PANANALIG ng bawat isa sa atin

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here